Mag-aamang biktima ng hit-and-run sa Caloocan, umapela ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 04:41 PM

 

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Umapela ng tulong medikal at agarang askiyon rin ng awtoridad ang isang pamilya para mahuli ang pribadong sasakyan na nakahagip sa 29-anyos na lalaki at dalawa niyang menor de edad na mga anak nitong nakaraang linggo sa Caloocan City.

Ayon kay Ledzel Gaa, nagpapagaling na lamang ang kaniyang asawang si Alex Dimaano matapos magtamo ng sugat sa ulo.

Ang kanilang 8-anyos na panganay ay namamaga pa rin ang ulo, habang nagkabukol naman sa noo ang 2-taong gulang nilang bunso.

Kuwento ni Ledzel na tumatawid sa kalsada pauwi ng kanilang bahay sa Barangay Camarin ang kaniyang mag-aama galing sa bahay ng kaniyang biyenan nang maganap ang aksidente.
 
“Yung panganay ko, tumayo agad kasi yung dalawang taon niyang kapatid binuhat niya kaagad. Yung asawa ko, hindi agad nakatayo,” kuwento ni Ledzel sa TeleRadyo Martes ng umaga.

Sa kuwento naman ni Dimaano, 2 steps na lamang ang layo nila sa gutter nang mahagip pa ng humaharurot na sasakyan.

“Sa video makikita, pagtawid namin, free naman po both side. Sa corner po, may lumalabas na taxi. Yun po yung kasabay naming tumatawid, kaya nangyari po, naging blind spot kami sa kotse.
Pagkatawid ng taxi, nabulaga siya sa amin,” kuwento ni Dimaano.

Hindi man lamang huminto ang sasakyan para tulungan ang mag-aamang biktima.

Bagamat may CCTV sa lugar, umuulan at madilim noon kaya hindi rin naplakahan ang pagdaan ng kotse.

“Kung sa akin po, kaya ko pong magpatawad. Kaso po, yung mga bata, paano na lang po kung napatay niya?” sabi ni Dimaano.

Nangako naman ng tulong si Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na agad na nagpadala ng kaniyang tao para asikasuhin ang pagpapagamot sa mag-aama.

“Tatawagan ko rin yung pulis kung may linaw na silang nakikita,” sabi ni Malapitan.