Ilang programa ng ABS-CBN mapapanood na muli sa free TV

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 04:26 PM

MAYNILA — Muli nang mapapanood ang ilang programa ng ABS-CBN sa free TV simula sa Sabado, Oktubre 10, sa pamamagitan ng kasunduan ng network sa Zoe Broadcasting Network Inc.

Sa isang press release nitong Martes, sinabi ng ABS-CBN Corp. na paraan ito ng kompanya para muling maghatid ng saya, public service at edukasyon sa mga Pilipino, katuwang ang Zoe.

"Magtutulungan ang ABS-CBN at Zoe para maghatid ng entertainment, public service programs, at educational shows sa publiko," anila. 

Mapapanood ang mga programa ng ABS-CBN sa bagong A2Z channel 11. 

Hindi pa nababanggit ng kompanya kung ano-ano ang shows na ipalalabas sa channel 11. 

"Gumagawa ang ABS-CBN ng mga palabas para sa iba’t ibang kumpanya, plataporma, at manonood sa loob at labas ng bansa," anang ABS-CBN. 

Mapapanood ang A2Z channel 11 sa Metro Manila at mga malalapit na probinsya.

Bago gawing A2Z, ang Zoe TV Channel 11 ay isang "Christian, family-oriented and wholesome television and radio broadcasting," ayon sa website nito. 

Mayo 5 nitong taon nang mawala sa free TV ang ABS-CBN sa pamamagitan ng Channel 2 matapos mag-expire ang prangkisa nito.

Hulyo nang ganap nang patayin ng ilang mambabatas ng Kamara ang ABS-CBN franchise, at noong Setyembre naman ay binawi na ng gobyerno ang mga frequency nito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.