3 patay sa pananambang sa Surigao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 10:34 PM

LIANGA, Surigao del Sur - Nakahandusay at wala nang buhay nang madatnan ng mga pulis ang dalawang representante ng indigenous people sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur nitong Linggo.

Kinilala ang mga biktima na si Datu Jomar Bucales at Datu Alberto Dela Peña na nadiskubreng patay na sa Purok 5, Sitio Mamparasanon sa Barangay Banahao.

Ayon sa hepe ng Lianga Surigao del Sur Police na si Police Capt. Johncel Barrameda, isang tawag ang natanggap ng istasyon hinggil na sa nangyaring pamamaril sa lugar.

Sa imbestigasyon ng Lianga Municipal Police, galing sa Brgy. San Isidro sa nasabing bayan si Bucales, Dela Peña, at ilang mga miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit na sina Ronald Acevedo, Artemio Moldes, Oliver Rosaldo at Ronald Bucales matapos magsagawa ng meeting noong araw na iyon.

Pauwi na ang mga biktima sakay sa dalawang motorsiklo nang mapansin nila ang puno ng saging na nakaharang sa kalsada. 

Agad bumaba ang mga miyembro ng CAFGU upang tingnan ang lugar nang pagbabarilin sila ng higit-kumulang 20 armado na pinaniniwalaang miyembro ng Guerilla Front 19 na pinangunahan ng isang "Tulong Wagdos". Tumagal ang bakbakan ng 25 minuto.

Bukod kay Bucales at Dela Peña, dead-on-arrival sa ospital si Moldes habang sugatan naman sina Acevedo at Rosaldo na dinala sa Lianga District Hospital.

Samantala, inambush ng mga miyembro umano ng New People's Army ang ilang sundalo at sibilyan noong huling linggo sa Barangay Pakwan ng bayan ng Lanuza sa parehong lalawigan.

Kinuha ng mga salarin ang mga personal na gamit ng mga biktima at perang nagkakahalaga ng P40,000.

Walang dalang armas ang mga sundalo na papunta na sana sa barangay upang makipag-ugnayan sa proyektong ipapatupad sa komunidad para sa pangkabuhayan ng mga residente.

Kinondena ng Philippine Army ang nangyari na nagdulot ng takot sa mga residente sa lugar.--Ulat ni Lorilly Charmane D. Awitan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.