3 lalaki tiklo sa buy-bust sa QC

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2020 05:38 AM | Updated as of Oct 06 2020 08:21 AM

MAYNILA - Timbog ang isang tulak umano ng shabu at dalawa niyang parokyano sa isang buy-bust operation sa Tandang Sora Ave., Quezon City nitong Lunes.

Batay sa paunang ulat ng QCPD Station 3, nakipagtransaksyon ang mga pulis sa suspek na si "Jimmy", na nagbabagsak umano ng malakihang halaga ng droga sa area ng Tandang Sora at karatig lugar.

Nalambat rin sa operasyon ang dalawang lalaking parokyano ni Jimmy, kabilang ang isang menor de edad.

Nakuha sa kanila ang 18 sachet ng umano’y shabu na nasa 30 gramo ang timbang at may halagang mahigit P200,000.

Itinanggi ng mga suspek na gumagamit o nagtutulak sila ng ilegal na droga. 

Mahaharap sila ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.