Duterte balak 'upakan' ang mga 'ninja cop' pag-uwi mula Russia

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2019 03:30 PM | Updated as of Oct 06 2019 06:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi nakapagtimpi si Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing mananagot ang mga tinaguriang "ninja cop" o tiwaling mga pulis pagbalik niya mula sa Russia ngayong Linggo.

Sa isang talumpati sa harap ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Russia, balak daw niyang "upakan" ang mga pulis na dawit sa pagre-recycle ng mga nasasamsam nilang droga.

“Meron akong ninja. Ngayon pag-uwi talagang upakan ko itong mga p*t*ng in*ng pulis na ito. 'Yang tawag nilang ninja. 'Yung talagang nagdu-droga ang mga g*g*,” sabi ni Duterte. 

Nauna na ring sinabi ni Duterte na may 2 heneral sa Philippine National Police (PNP) na dawit pa rin sa kalakaran ng droga. 

Gayunpaman, sinabi ni Duterte na paiiralin pa rin niya ang due process at hahayaang umusad ang internal investigation ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Kasama sa mga nakaladkad na pangalan sa isyu ng ninja cops ay ang magreretiro nang PNP chief na si Gen. Oscar Alabayalde.

Samantala, bubuksan muli ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang imbestigasyon ukol sa ninja cops partikular sa umano'y kuwestiyonableng drug raid ng Pampanga police noong 2013, sa ilalim ng pamumuno ni Albayalde. 

"In the light of new evidence unfolding, and in the interest of justice, the DOJ will reopen the case of Baloyo, et al. And will create a new panel of state prosecutors to conduct the reinvestigation," sabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra.— Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.