PatrolPH

SOCO: Call center agent pinagsasaksak ng dating kinakasama

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2018 03:17 PM | Updated as of Oct 06 2018 05:28 PM

 

Binawian ng buhay ang 26-taong gulang na call center agent na si Mary Juy Conde matapos pagsasaksakin ng dati niyang kinakasama sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Silangan, San Mateo, Rizal noong Hulyo 29, 2018.

Ayon sa lola ng biktima na si Anoleta Conde, nakita niya ang dating live-in partner ng apo na si Jordan Ternida na inumpog sa pader at sinaksak nang paulit-ulit ang biktima. 

Sinaklolohan raw ni Anoleta ang apo ngunit siya naman ang pinuntirya ng suspek.

Maliban kay Anoleta, nasaksihan din ng mga anak nina Mary Juy at Jordan ang naganap na krimen.

Nang makarating ang mga pulis, inabutan pa nilang naghihingalo si Mary Juy. Dinatnan din nila si Jordan na may mga saksak sa katawan.

Dinala kaagad sa ospital ang mga biktima. Idineklarang ligtas sina Anoleta at Jordan ngunit tuluyan nang binawian ng buhay si Mary Juy.

Pagkaubos ng dugo dahil sa mga saksak sa maseselang bahagi ng katawan ang direktang ikinamatay ng biktima.

"Natulala na lang ako, na sana ako na lang ang namatay kaysa namatay 'yung ina ng mga bata na marami pang magagawa sa buhay," pagdadalamhati ni Anoleta.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, naging malinaw ang motibo sa krimen.

"Ito po ay bunga po ng matinding galit na naramdaman nitong suspek nung tumanggi na nga itong kaniyang dating kinakasama na makipagbalikan pa sa kaniya," ayon kay PO3 Rene Louie San Diego ng San Mateo police.

Walong taong naging mag-live-in partner ang dalawa bago tuluyang hiwalayan ni Mary Juy si Jordan.

"Siguro po nung napagtanto niya na napatay niya 'yung kaniyang kinakasama, nagpasya na rin po siya na wakasan niya 'yung buhay niya," sabi ng pulis.

Kinasuhan ng murder at frustrated murder si Jordan. 

Nais ngayon ng pamilya Conde na mapanagot sa batas si Jordan.

Mapapanood ang buong kuwento sa "SOCO" ngayong Sabado, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang "SOCO" sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.