PatrolPH

Libo-libong deboto dinagsa ang heart relic ni Padre Pio sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2018 07:15 PM | Updated as of Oct 07 2018 06:46 PM

Watch more on iWantTFC

Nasa bansa ngayon ang heart relic ni Santo Padre Pio para sa 20 araw na pagbisita. 
    
Mula Italya, dumating nitong Biyernes sa Ninoy Aquino International Airport ang relic ng puso ng santo.

Idiniretso ang relic sa National Shrine of Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas kung saan nagkaroon ng prusisyon at misa. 

Dumagsa agad ang mga deboto sa unang araw ng public veneration nito, bitbit ang kaniya-kaniyang kahilingan.

Bawat isa, binibigyan ng lima hanggang 10 segundo para magdasal at magpahid ng panyo sa heart relic. 

"Kilala kasi si Padre Pio sa pagbibigay katuparan sa kahilingan, sa paggaling ng mga may sakit," ani Fr. Jojo Gonda, rector ng National Shrine of Padre Pio.

Ang magkapatid na sina Corazon at Nesy Villapando, isinama pa ang kanilang inang si Juanita para personal na maibulong ang hiling para sa maayos na kalusugan at paggaling sa anumang karamdaman.

"Gusto ko humaba pa ang kaniyang buhay," hiling ni Nesy para sa ina. 

Sa taya ng Philippine National Police (PNP), umabot sa higit 25,000 deboto ang nakiisa sa misa nitong Sabado ng umaga at inaasahan pang dadami ito.
    
Nagpasalamat si Papal Nuncio Archbishop Gabrielle Gordano Caccia sa ipinakitang malalim na debosyon ng mga Pinoy.

Dadalhin din ang relic sa Maynila, Cebu, at Davao bago ito ibalik sa Italya sa Oktubre 26.

—Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.