ALAMIN: Mga 'benepisyo, reklamo' sa pinalawig na maternity leave

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2018 06:44 PM | Updated as of Oct 06 2018 07:22 PM

Pirma na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay sa pinapanukalang expanded maternity leave ng Kongreso, na layong pahabain pa ang bilang ng mga araw na maaaring lumiban sa trabaho ang isang babaeng kapapanganak lamang. 

Bagama't may mga magagandang benepisyong nakukuha rito, ayon sa isang abogado, may ilan ring sektor na apektado ng panukalang batas partikular na sa trabaho. 

Maaari pa kasing problemahin ng employer ang pagkuha ng kapalit ng mawawalang empleyado, pati na rin ang pagbayad ng sahod nito.

"In a way may advantage sa mga nanay diba pero disadvantage ito sa pananaw ng mga employer kasi sabi natin kung 105 days at importante ang kaniyang trabaho, kukuha ng kapalit, double ang magiging payment," ani Atty. Claire Castro sa "Usapang De Campanilla" nitong Biyernes. 

Sa ilalim ng panukalang batas, layong itaas sa 105 ang araw ng maternity leave with pay mula sa kasalukuyang 60 araw o dalawang buwan. 

Para naman sa single mothers, 120 days ang kanilang leave, alinsunod sa Solo Parents' Welfare Act na nagbibigay ng 15 pang karagdagang araw para sa maternity leave ng mga ina. 

Palalawigin rin ang benepisyong nakukuha ng mga ama ng bata rito dahil may opsyon ang mga ina na magbigay ng 7 araw pang leave para sa kanilang mga asawa. 

Sa kasalukuyang batas, mayroong 7 araw o isang linggong leave ang ama ng isang kapapanganak lang na bata.

Bukod pa sa pagpapalawig ng mga araw ng maternity leave, tinanggal rin ang limitasyon sa bilang ng maaaring pagbubuntis na sakop ng benebisyo.

Hindi kasama sa expanded maternity leave ang mga negosyong hindi aakyat sa 10 ang bilang ng empleyado. 

Bukod pa rito, hindi kasama ang mga kontraktuwal na empleyado sa pinapanukalang batas. 

Aabot mula P20,000 hanggang P200,000 ang parusa sa mga employer na lalabag sa panukalang batas, at maaari ring bawiin ang business permit ng kompanyang hindi susunod dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.