2 sanggol kabilang sa mga nasawi sa pagkawasak ng water tank

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2017 11:11 AM | Updated as of Oct 06 2017 05:10 PM

Sumabog ang isang tangke ng tubig sa San Jose Del Monte, Bulacan nitong Biyernes ng umaga. Namatay ang 3 tao dahil sa insidente, na nagdulot ng malawakang pinsala sa barangay. April Rafales, ABS-CBN News

Kabilang ang 2 sanggol sa mga nasawi matapos bumigay ang isang tangke ng tubig sa San Jose Del Monte, Bulacan Biyernes ng madaling araw. 


Namatay ang mga 1-taong-gulang na batang sina Jaina Espina at Niña Ape.

Nakatira si Espina sa isa sa mga nasirang apartment sa lugar kasama ang kaniyang pamilya, at namatay matapos mabagsakan ng debris, ayon sa kanilang kapitbahay na si Andrew Piape. Samantalang si Ape naman ay sa ospital na binawian ng buhay.

Nasawi rin sa insidente sina Jimmy Garcia, 61, at Elaine Tiongson, 22. Nasa 32 naman ang nasugatan, kabilang ang ilan na itinakbo sa ospital.

Handang magbigay ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga nasawi at nasugatan, pati na rin sa mga residenteng naapektuhan ang bahay, ani Mayor Arthur Robes.

Siniguro rin ng alkalde na iniimbestigahan na ng mga inhinyero ng kanilang bayan at ng water district office ang pangyayari.

Nawasak ang tangke ng tubig na ginagamit ng water district sa Barangay Muzon bandang alas-3:30 ng madaling araw, ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng pulisya sa bayan ng San Jose Del Monte.

Sa lakas ng bugso ng tubig, nasira ang nasa 20 bahay at natangay din ang ilang mga sasakyan, kasama ang mga naka-impound sa police community precinct na kalapit ng tangke.

Ayon kay Robes, nasa pitong taon nang ginagamit ang naturang tangke, na dinugtungan dalawang taon na ang nakakalipas, ngunit regular aniya itong iniinspeksyon. 

- Kasama ang ulat nina Raya Capulong at April Rafales, ABS-CBN News