PatrolPH

Angkas patay matapos umano 'makiliti' sa gagamba ang drayber ng motor

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2022 02:46 AM

Patay ang angkas ng isang motorsiklong naaksidente dahil sa gagamba sa bayan ng Calatrava, Negros Occidental, Lunes ng hapon.

Ayon kay Calatrava Police traffic investigator Staff Sgt. Junjun Flores, nawalan ng kontrol ang drayber ng motorsiklo dahil may gumapang na gagamba sa paa nito.

"Nakiliti ang drayber dahil may gumapang sa paa niya, kaya nawalan siya ng kontrol," ani Flores.

Dagdag ni Flores tiyempong dumaan sa kurbadang bahagi ng Brgy. Tigbon ang motor kaya natumba ito.

Tumama umano sa semento ang ulo ng angkas na si Christina Paghubasan, 32, kaya ito binawian ng buhay.

Nagtamo naman ng mga galos sa katawan ang drayber na si Joel Marcelo, 28.

Paalala ng mga awtoridad, siguraduhing huminto agad sa pagmamaneho kung may maramdamang hindi komportable upang maiwasan ang disgrasya.—Ulat ni RC Dalaguit De Vela

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.