Naghain ng kandidatura para sa pagka-congressman ng lone district ng Lipa City si Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa ilalim ng Nacionalista Party nitong Martes.
Kung manalo, papalitan niya sa nasabing posisiyon ang asawa na si Vilma Santos-Recto.
Prayoridad ni Recto kasama ang lahat ng lokal na opisyales sa Lipa na tinawag na “Bagong Lipa” na masigurong tama ang paggastos sa buwis, masugpo ang problema sa COVID-19, ang pagkakaroon ng dekalidad na bakuna, economic recovery, pagkakaroon ng sapat na trabaho, at maayos na edukasyon.
”May ugnayan tayo sa LGU, pinaguusapan 'yung programa sa lungsod ng Lipa, merong unity dito kaya meron tayong iisang partido dito at pinagtutulungan kung ano ang dapat itulong sa ating mga kababayan," ani Recto.
Nauna nang nabanggit ni Recto na pinag-iisipan niyang tumakbo para sa posisyon sa Kamara.
Malaking bagay rin daw umano kung si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mauupong susunod na pangulo. Matatandaang isa sa mga unang nagpahayag ng suporta sa kandidatura ni Moreno ang mag-asawang Recto.
"Matagal na kaming naguusap ni Mayor Isko, in fact naka-balangkas na tayo ng economic program ni Mayor Isko at natitiyak ko sa Batangas, dito sa lungsod ng Lipa, ipa-priority din ni Mayor Isko ang lalawigan ng Batangas," ani Recto.
Tikom pa ang bibig ng Senador sa plano ng asawang si Rep. Vilma Santos Recto.
"Malalaman niyo, hanggang [October] 8 naman tayo. Like what I said we’ll find out," ani Recto.
— Ulat ni Andrew Bernardo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.