PatrolPH

Leader ng jeepney driver association pinatay ng riding-in-tandem sa Balintawak

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2021 06:28 AM

Watch more News on iWantTFC

Binawian ng buhay sa loob ng ospital ang isang lalaki na biktima ng riding-in-tandem sa Barangay Unang Sigaw, Balintawak Quezon City.

Kinilala ng mga kaanak ang biktima na si Jessie Dela Cruz, 45, at presidente ng isang association ng mga jeepney driver na bumabiyahe sa rutang Sta Quiteria-PUC-Balintawak.

Ayon sa mga kaanak, galing si Dela Cruz sa birthday party sa Caloocan at pauwi na sana, nang harangin at pagbabarilin siya ng 2 salarin na nakasakay ng isang motorsiklo.

Nakababa pa ang biktima at humingi ng tulong sa mga residente sa lugar. Naisugod sa ospital ang biktima pero kalaunan ay binawian rin siya ng buhay dahil sa 8 tama ng bala sa kaniyang tagiliran at dibdib.

Hustisya ang hiling ng mga kamag-anak ni Dela Cruz. Wala anilang kaaway ang biktima kaya palaisipan kung ano ang motibo sa likod ng pamamaril.

Nakuha ng SOCO ang dalawang basyo ng bala sa pinangyarihan ng krimen. 

Sa loob ng sasakyan ng biktima, may nakuha ring isang baril na kargado ng mga bala.

Inaalam pa ng QCPD kung pagmamay-ari ito ng biktima at kung may CCTV bang nakahagip sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.