Una sa mga naghain ng COC ang party-list group na Talino at Galing ng Pinoy (TGP).
Nadagdag din sa listahan ang isang Maria Aurora Marcos na tumatakbong independent candidate.
Aminado siya na wala siyang political machinery pero tapat aniya ang hangaring makatulong sa taongbayan.
Wala rin aniya siyang planong umatras sa pagkandidato kahit pa makalaban sa pagkapangulo si dating Sen. Bongbong Marcos, na nagdeklara na tatakbo siya sa pagkapangulo.
Susubukan din sa ika-3 pagkakataon ni Atty. Larry Gadon ang kaniyang kapalaran sa Senado. Una na siyang natalo sa dalawang nakalipas na senatorial race.
Nakilala si Gadon nang pagmumurahin ang mga nagpoprotesta sa Baguio City at makailang beses na rin siyang sinampahan ng disbarment case sa Supreme Court (SC).
Minsan na rin siyang nasuspinde ng SC bilang abogado.
Naghain din ng kanilang COC sa pagkasenador sina Samuel Hardin, Norberto Esmeralda Jr. at Orlando Bernardo.
Aabot naman sa 11 ang party-list groups na nadagdag sa listahan ng Comelec mula noong unang araw ng COC filing.
- Kabilang dito ang mga sumusunod:
- TGP
- Guardians Philippine Inc.
- Construction Workers Solidarity
- Galing sa Puso
- Senior Citizens
- Barkadahan para sa Bansa
- Igorot Warriors International
- Akma
- Magdalo
- Angat Edukasyon - PARE
- Trabaho
Naghain din ng kanilang kandidatura ang Alliance of Concerned Teachers, Philippine Educators Alliance for Community Empowerment, Angat Edukasyon, at A-Teachers.
Kasama ng Magdalo party-list na naghain ng certificate of nominaton and acceptance (CONA) si dating Sen. Antonio Trillanes IV. Hindi naman nagpaunlak ng panayam ang grupo at hindi rin umakyat sa entablado ng Comelec.
Naghain na rin ng COC sa pagkapresidente ang 50 anyos na si Marsden Cuarteros Luyaha bilang independent candidate.
Susubukan naman ni dating Sulu Rep. Nur Ana Sahidula na tumakbo sa pagkasenador sa Halalan 2022.
Samantala, sa local level, naghain ng kanilang kandidatura sina Quezon City Mayor Joy Belmonte at San Juan Mayor Francis Zamora - na layong ma-reelect sa pagkaalkalde.
Sa Las Piñas, naghain na ng kandidatura si Deputy Speaker Camille Villar bilang reelectionist sa lone district nito.
Tatakbo rin muli bilang kongresista si Speaker Lord Allan Velasco, habang tatakbo rin si Gabriel Bordado Jr. para sa ika-3 termino bilang kongresista sa ika-3 distrito ng Camarines Sur.
Tatakbo rin si Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa pagka-kongresista.
Tatakbo namang vice mayor si Arnold Arcillas, kapatid ng incumbent mayor na si Arlene Arcillas.
Naghain na rin ng kandidatura si incumbent vice governor Jojo Perez na makakalaban ang aktor na si Ejay Falcon sa pagka-vice governor sa Oriental Mindoro.
-- May mga ulat nina Johnson Manabat, Ina Reformina, at Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.