Pagsasaling wika ng modules hamon sa ilang Cagayan teachers

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2020 05:07 PM | Updated as of Oct 05 2020 09:13 PM

Imbes na uniporme, nakabota at raincoat ang mga guro ng Pureg Elementary School sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan ngayong Lunes, unang-araw ng balik-eskuwela.

Kung dati kasi, ang mga estudyante nila na mga katutubong Agta ang bumababa ng bundok para makapasok sa eskuwelahan, ang mga guro ngayon ang kinakailangang umakyat para mahatiran ng self-learning modules ang mga bata.

Watch more in iWantTFC

May layong 2 kilometro mula sa paaralan ang bahay ng iba sa mga bata.

Pero hindi lang paglalakbay sa mga matatarik at mapuputik na daan ang hamon para sa mga guro.

Dahil nakasulat sa Filipino, Ingles, at Ilocano ang modules ng Department of Education, kailangan pa nilang isalim sa wika ng mga Agta ang mga materyales para maintindihan ito ng mga bata.

"Ang pinangangambahan namin ngayon ay kung maiintindihan ba talaga ng mga bata 'yong mga module, lalo na sa situwasyon ng mga Agta na 'yong mga nanay nila ay hindi naman nakapag-aral," anang guro na si Flordelizo Burgos.

Dahil sa COVID-19 pandemic, nagpatupad ng distance learning ang DepEd para maiwasan ang face-to-face classes.

Susubukan umano ng mga guro na pumunta sa bundok 2 beses sa isang linggo para matiyak na nauunawaan ng mga bata ang kanilang mga aralin.

Si Burgos at apat nitong kasamahan ang naghahati sa pagtuturo sa 64 na estudyanteng Agta.

Mahirap man ang situwasyon ngayong new normal, hindi raw ito hadlang para sa mga guro para maturuan ang mga katutubong Agta.

Hangarin ng mga guro na maging instrumento sila para maraming matutunan ang mga batang Agta at mamayagpag ang mga ito sa iba't ibang larangan balang araw.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.