PatrolPH

Mga guro sinalubong ng iba't ibang aberya sa pagbubukas ng klase

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2020 07:51 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kasabay ng pagbubukas ng klase sa public school nitong Lunes ay ang World Teacher’s Day, o araw ng pagpaparangal sa mga guro sa buong mundo.

Pero sa Pilipinas, walang panahong magdiwang ang mga teacher dahil sa mga problemang naranasan nila sa unang araw ng pasukan.

Mga aberya
 
Suwerte sana si Teacher Jay Ann Francisco dahil katapat ng boarding house niya sa Baseco, Tondo ay may binebentang "piso load" o isang makinang hinuhulugan lang nila ng P10 barya para sa 3 oras na wifi.

Ito ang ginamit niya para kumonekta sa una niyang subject na Filipino para sa mga grade 3.

Ang kaso, opening prayer pa lang ay nagkakaproblema na ang koneksiyon.

"Sobrang hina talaga ng internet... Minsan salita ako nang salita, pero hindi na pala nila naririnig. Kakailanganin ko na namang ulitin ang sinasabi ko," hinaing niya.

Sa 44 estudyante ni Francisco ay 12 lang ang naka-connect. Hirap din silang magkaintindihan ng mga batang nakaharap niya.

Nagpasya si Francisco na dalhin na lang ang laptop niya sa loob ng paaralan para doon ituloy ang klase.

Pero kahit sa loob ng campus, kani-kaniyang hanap ng puwesto ang mga teacher makasagap lang ng signal.
    
Si Teacher Maricel Jaso, dumikit na lang sa bintana hawak ang notebook at cellphone habang nagkaklase sa gilid ng kuwarto.

Ayon sa Department of Education, alam na nilang magiging problema ang internet kaya module ang nakita sana nilang remedyo dito.

"Na-foresee natin 'yan. Di talaga maaasahan ang internet kaya meron talagang blended o modular," pag-amin ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo.

—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.