Iwas 'handshake' mungkahi ni Bayani Fernando laban sa sakit

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 04:25 PM

MAYNILA - Para hindi kumalat ang sakit, isinusulong ng isang kongresista na iwasan na ang pakikipag-kamay. 

Sa media forum sa Antipolo City Sabado, sinabi ni Marikina Rep. Bayani Fernando na naghain siya ng resolusyon sa kamara na alisin na ang pagkakamay, isang nakagawiang pagbati. 

Aprubado na raw ito ng education committee ng House of Representatives. 

"Naaprubahan n ng committee of education at tingin ko magiging official na ilang araw mula ngayon. 'Yung Filipino symbol of greeting, grace and respect, aalisin 'yung pagkakakamayan ng tao sapagkat ano, si Louis Pasteur, nadiskubre na 'yung mikrobyo no at alam naman natin ang pakikipagkamayan na 'yun ay naglilipat ng sakit," ani Fernando. 

Si Pasteur ay isang French microbiologist noong 19th century na nakadiskubre kung paano kumakalat ang sakit sa pamamagitan ng microorganisms. 

Suhestiyon ni Fernando na palitan ang pamamaraan ng pagbati.

Aniya, dapat na lang ilagay ang kanang kamay sa dibdib at yumuko nang kaunti bilang pagbati.

Kumbinsido si Fernando na maraming papabor sa kaniyang panukala. 

Matagal nang mungkahi ng World Health Organization ang paghuhugas ng kamay bilang paraan ng pag-iwas sa sakit. 

Matatandaang noong siya'y chairman ng Metropolitan Manila Development Authority, nagpalagay si Fernando ng mga pink urinal para sa mga kalsada sa Kamaynilaan na binatikos dahil sa panghi ng mga ito. 

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.