Gadon sinuspende ng SC, dahil sa pag-aangas sa kapwa-abogado, doktor

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 06:10 PM | Updated as of Oct 05 2019 07:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA —Pinatawan ng 3 buwang suspensiyon ng Supreme Court (SC) ang abogadong si Larry Gadon dahil sa "abusadong" pananalita niya sa isang doktor at kapwa-abugado.

Si Gadon ay nakilala bilang pasimuno ng pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Nag-viral din ang abogado dahil sa pagmumura at pagtawag niyang "bobo" sa mga taga-suporta ni Sereno.

Sa resolusyon ng Supreme Court noong Hunyo, inaksiyunan nila ang disbarment case na isinampa kay Gadon ng isang dermatologist dahil sa mga pinagsasabi nito laban sa kaniya sa isang liham.

Sa liham, hinamon ni Gadon ang doktora na kasuhan ang clinic dahil sa pagkakatanggal sa kaniya. Pero aabutin daw ng 10 taon ang kaso, at walang katiyakang mananalo siya dahil mas maraming pera ang clinic kung saan opisyal si Gadon. 

Nilait din umano ni Gadon ang doktora at kaniyang abogado at tinawag silang tanga at may Alzheimer.

Sabi ng Korte Suprema, hindi ito tamang asal ng isang abogado, lalo’t pinapalabas ni Gadon na mabagal ang usad ng hustisya sa bansa.

"Atty. Gadon’s remarks about the slow justice system and insinuations that cases are won based on abundance of resources, tramp the integrity and dignity of the legal profession and the judicial system and adversely reflect on his fitness to practice law," sabi ng SC sa resolusyon.

"The adversarial nature of our legal system does not sanction an attorney’s use of foul or intemperate language, whether spoken or in pleadings."

Gayunpaman, 3 buwang suspensiyon lang ang parusang ipinataw kay Gadon kahit disbarment ang hirit ng complainant. 

Hunyo pa nitong taon inilabas ang resolusyon pero ayon kay Gadon, wala pa siyang natatanggap na kopya kaya hindi pa ito naipapatupad.
 
Kasalukuyang may 4 na disbarment case na kinakaharap si Gadon.
 
—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.