Dating OFW idinaing ang 'pahirapang' pagkubra sa benepisyo sa Pag-IBIG

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 06:13 PM | Updated as of Oct 05 2019 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Mahigit 20 taong naging overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia si William Sorreta.

Noong Pebrero, nag-file na siya ng retirement claim sa Pag-IBIG Fund para makubra ang naipong hulog niya na kinakaltas noong OFW pa siya.
    
Sabi ng Pag-IBIG-Naga branch, mga isang buwan lang ay maipapadala na ang tseke niya sa Virac, Catanduanes branch ng ahensiya.

Pero halos 7 buwan na ang nakakaraan matapos siya pabalikin, hindi pa rin nakukuha ni Sorreta ang pera niya.

"Magpipitong buwan na, wala pa rin. Nagpa-follow up naman daw sila, di naman daw nagre-respond ang Naga at Legazpi," hinaing ng senior citizen.

Dumulog sa "Tapat Na Po" si Sorreta dahil kailangan din daw niya ang pera para sana pampagamot.

"Nakakaaksaya din po ng oras ang pabalik-balik upang mag-follow up. Nananawagan ako sa Pag-IBIG Fund na sana po ay bilisan ang pagproseso."

Paliwanag ng Pag-IBIG, 2 kasi ang naging account ni Sorreta kaya kinailangan pang ayusin ang rekord.

"Dalawa kasi 'yung account niya sa Pag-IBIG. Isa bilang OFW, isa bilang self-paying member... So what happened nung nag-file siya ay mayroong payments na na-mispost so we had to cleanse 'yung record niya," sabi ni Amado Dizon III, senior vice president ng Pag-IBIG.

"Kami po ay humihingi ng paumanhin kay Mr. Sorreta," dagdag ng opisyal.

Sa ngayon ay nakuha na ni Sorreta ang kaniyang provident benefit mula Pag-IBIG.
    
Paalala ng Pag-IBIG sa mga miyembro lalo na sa mga OFW, ipaayos agad ang record bago pa man magretiro para mas mabilis na ang proseso ng pagbabalik ng ipon.

Sa mga konsumer na nais magreklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.