5 patay sa banggaan ng truck, FX sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2019 08:01 AM | Updated as of Oct 05 2019 01:02 PM

GUMACA, Quezon - Lima ang patay habang malubhang nasugatan ang 4 iba pa sa banggaan ng isang 10-wheeler truck at Tamaraw FX sa bayan na ito, Sabado ng umaga.

Posibleng nakatulog ang drayber ng FX, dahilan para kainin nito ang linya ng kasalubong na truck na kargado ng mga baka sa Maharlika Highway, Barangay Bamban, ani Quezon police chief Police Col. Audri Madrideo.

Sinubukan pa aniyang umiwas ng truck, pero bumangga pa rin ito sa FX na nayupi sa lakas ng salpukan.

Kabilang sa mga nasawi ang drayber at 4 pasahero ng FX na papunta sana sa direksyon ng Bicol, ayon kay Madrideo. Hindi pa nakikilala ang mga biktima.

Dinala naman aniya sa Gumaca District Hospital ang 3 nasugatan.

Hawak na ng pulisya ang truck driver na si Gerome Villar, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.