Transport groups, magsasanib para magkasa ng malaking protesta

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2018 09:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsanib-puwersa ang ilang transport groups para ikasa ang isang malawakang protesta kung wala umanong mabibigay na solusyon ang mga awtoridad sa hirit nilang fare hike sa public hearing ng Senado sa Lunes. 

Ito ay matapos magpulong ang mga lider ng transport groups tulad ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (FEJODAP), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at Samahan ng Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization (STOP and GO). Ito ay para maplantsa na ang planong protesta kung hindi makakapagbigay ng lunas sa patuloy na umaakyat na presyo ng produktong petrolyo. Tatapusin lang daw nila ang Senate hearing tungkol sa mga isyu ng transport groups sa Lunes. Kapag walang naresolba sa komite ni Sen. Grace Poe, may bersiyon daw sila ng 'Red October.'

Idinaing ng mga grupo ang tuloy-tuloy na taas-singil sa krudo at mga pangunahing bilihin tulad ng bigas at iba pang pagkain na anila ay nagpapahirap sa kanilang buhay. 

Inalmahan ni Melencio Boy Vargas ng ALTODAP ang paghihirap umano sa pagbili ng pagkain dulot ng mataas na presyo ng mga bilihin sa merkado.

"Kung nagugutom na halimbawa, sikmura na nakataya dito, ano ang gagawin ng taumbayan?" aniya. 

Giit ni FEJODAP president Zeny Maranan na malapit nang umabot sa P50 kada litro ang diesel pero hindi pa rin aprubado ang kanilang hirit na P12 pamasahe. 

Tinawag naman ni Efren de Luna na "pambobola" lamang ang programa ng pantawid pasada ng pamahalaan, na layon sanang bigyan ng ayuda ang mga jeepney driver sa dagdag-singil sa buwis. 

"Yung pinagmamalaki nilang pantawid pasada, isang kalokohan lang at pambobola para saming hanay," aniya. 

Sumampa na sa 8 porsiyento ang transport inflation noong Setyembre, bagay na ikinagalit ng mga grupo. Nagbabadya rin sa susunod na linggo ang dagdag-singil sa mga produktong petrolyo. 

Ibinunton din nila ang kanilang galit sa mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), at nanawagan sa pagbitiw sa puwesto ng mga opisyales nito.

Kung hindi matupad ang kanilang hinaing sa fare hike at pag-alis ng excise tax, ikakampaniya nila na huwag iboto ang mga ito sa susunod na eleksiyon. 

"Eh di 'wag nating iboto ang mga nariyan 'pagkat sila ang pumapatay sa amin," ani Maranan. 

Kasunod ng pag-anunsiyo ng Philippine Statistics Authority na pumatak sa 6.7 porsiyento ang inflation nitong Setyembre, sumugod sa tanggapan ng isang oil company ang ilang miyembro ng militantang grupo para kondenahin ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. 

Nagsagawa ng noise barrage ang mga nagpoprotesta, may ilan pang pinagbabato ng pulang pintura ang logo ng isang kompanya ng langis. 

Giit nila na promotor ang mga oil companies ng sunud-sunod na dagdag-presyo ng mga bilhin. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.