PatrolPH

Guro inireklamo dahil sa school test kasama ang isyu ng EJK, pulisya

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2018 10:24 PM

Watch more on iWantTFC

Inireklamo ng isang magulang ang isang Grade 2 teacher dahil sa mga pangungusap sa test paper ng kaniyang anak patungkol sa extrajudicial killings (EJK) at imahe ng pulisya. 

Unang nag-viral sa social media ang post ng magulang.
    
Kuwento ni alyas "Jacky," kung hindi pa nagtanong ang anak ay hindi niya mapapansin ang nilalaman ng test paper.
    
Pang-uri sa Filipino ang paksa ng pagsusulit pero nabahala siya sa ilang pangungusap na ginamit.
    
Narito ang ilang mga inilagay ng guro:

  • Pulang-pula ang dugo na nagkalat sa sahig.
  • Abusado ang mga pulis.
  • Matataba at malalaki ang tiyan ng mga pulis.
  • Masama ang extrajudicial killings.

"Sinabihan niya lang ako na 'Mommy, paano nangyari na 'yung dugo nagkalat sa sahig?' Ano yun? Sabi ko sa movie mo ba nakita 'yan o may nakita ka ba? 'Yun pa ang inisip ko," ayon kay Jacky.

"Tapos biglang nagtanong na naman siya na 'Mommy, bakit sabi abusado ang mga pulis? Di ba, Mommy, ang abusado, bad 'yun?' Kasi ang son ko, gusto niya maging pulis paglaki kaya nagulat ako," dagdag ng ina.

Agad inireklamo ni Jacky ang guro sa principal ng eskuwelahan.
    
Hindi rin sang-ayon ang Department of Education (DepEd) sa ginawang exam ng guro na tila iniimpluwensiyahan ang mga inosenteng mag-aaral.

"Pang-uri is a very basic concept in language na hindi naman dapat pasukan ng mga sentences na merong biases...DepEd is only regulating in terms of the curriculum and in terms of the materials... However it doesn't mean na lahat puwede gawin na ng teacher," ayon kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla, na siya ring tagapagsalita ng ahensiya. 

Nababahala rin ang Philippine National Police sa ginawa ng guro.

"This is very dangerous dahil 'yung mga schools and teachers are considered our second parents...We are trying to save generations dito and yet ganu'n ang ituturo pa natin," ani PNP chief Director General Oscar Albayalde.

Depensa ng guro na nagbigay ng exam, wala naman umano siyang galit sa PNP kundi kinopya lang niya umano sa isang website ang ginamit na mga pangungusap sa exam. 

Gayumpaman, sinabi ng principal ng eskuwelahan na nakatakda nang isailalim sa counseling ang guro.

Kasabay ng Teachers' Day ngayong Biyernes ay sinabi ni Jacky na magsilbi sanang aral ito para sa mga magulang at i-check ang nilalaman ng mga notebook at binibigay na exam sa kanilang anak.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.