Hindi lang call center agents: Iba pang trabaho, nanganganib sa ‘automation’

ABS-CBN News

Posted at Oct 05 2017 05:20 PM

Hindi lamang mga empleyado sa industriya ng Business Process Outsourcing (BPO) ang nanganganib mawalan ng trabaho sa inaasahang pag-unlad ng teknolohiya, kung hindi pati na rin ibang administratibong posisyon sa mga tradisyunal na organisasyon.

Ayon sa presidente ng Singapore Management University na si Arnoud De Meyer, "vulnerable" din sa nakaambang "automation" ang mga trabaho ng accountant.

“These (BPO work) may be the most vulnerable, but in general, all 9-5 jobs could disappear in the next few years, overtaken by Artificial Intelligence and other forms of automation,” ani De Meyer. 

Dagdag niya, ang mga ligtas lamang sa pagpasok ng mas progresibong teknolohiya ay ang mga trabahong nangangailangan ng “analytical skills.”

Gayunpaman, maari daw magtulungan ang gobyerno at pribadong sektor para maisalba ang mga inaasahang maaapektuhan ng “automation.”

Hinikayat niya ang pamahalaan na tutukan ang edukasyon ng mga Pilipino, at bigyan ng subsidiya ang “reskilling” ng mga empleyado.

Pinuri din ni De Meyer ang kapapasa lamang na batas na magbibigay ng libreng tuition fee sa mga estudyante ng state colleges at universities, na isa umanong hakbang upang i-akma ang kanilang mga skills sa pagbabago ng panahon. 


-- Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.