PatrolPH

Babaeng umakyat ng bundok para magdasal natagpuang patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2022 06:40 AM

Kuha ng Danao CDRRMO
Kuha ng Danao CDRRMO

Natagpuang patay ang isang 47 anyos na babae sa Danao City, Cebu, Linggo ng madaling araw matapos umano umakyat ng bundok para magdasal.

Unang naideklarang missing ang biktimang si Maria Sofia Olaguir kaya isinagawa ng Danao City Disaster Risk Reduction and Management ang search and rescue operation. 

Ayon sa chief investigator ng Danao City PNP, PCMS Reynante Manulat, Setyembre 30 ng umaga umakyat sa Mt. Manghilao si Olaguir.

Magdadasal umano siya sa lugar na kilala sa milagrosong Holy Cross, dahil kukuha sana ito ng Licensure Exam for Teachers noong Linggo. 

Ngunit nag-alala ang pamilya sa biktima dahil di na ito nakauwi kaya humingi sila ng tulong sa awtoridad. 

Ayon sa pulisya, nakarating pa sa tuktok ng bundok si Olaguir at mag-isang bumaba kahit maulan at madulas ang daan.

"Dalawang anggulo ang tinitingnan natin. Posibleng nadulas ang biktima o sadyang pinatay," ani Manulat.

May mga sugat umano sa mukha ang ginang, kumpleto ang mga suot nito ngunit nawala na ang dalang cellphone. 

Sa ngayon hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng autopsy upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng ng biktima.—Ulat ni RC Dalaguit De Vela

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.