PatrolPH

Pharmally exec Mago na-pressure umano kaya binitawan ang pahayag na 'swindling'

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2021 06:30 PM | Updated as of Oct 04 2021 06:44 PM

Watch more on iWantTFC

Inihayag ngayong Lunes ni Krizle Mago, opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corp., na na-pressure lang siya nang bitawan niya ang pahayag na na-swindle o ginantso ng kaniyang kompanya ang gobyerno.

Magugunitang sinabi ni Mago sa isang Senate hearing na na-swindle ng kaniyang kompanya ang pamahalaan nang bentahan ito ng mga substandard na medical supply.

Pero sa pagharap sa Kamara, sinabi ni Mago na napuwersa lang umano siya sa Senado kaya nasabi niyang ginantso o niloko nila ang gobyerno.

"Regarding my previous statement that 'I believed we swindled the government', ​​it was a pressured response. Given the level of pressure I was under and the rush of emotions associated with the allegations and my subsequent admission, I was not in the best frame of mind to think clearly," aniya.

Inihalintulad naman ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta sa military interrogation ang pagdinig ng Senado ukol sa pagbili sa umano'y overpriced na pandemic supplies.

Ayon kay Mago, naging mahirap sa kaniya ang mga pagdinig lalo't nagka-COVID-19 pa siya.

Kahit si dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) head Lloyd Lao ay nagsabing nakadama rin siya ng panggigipit ng mga senador.

"I feel that the environment in the Senate was hostile considering that the questions were being misleading and being shouted upon [sic]," ani Lao.

Ipinaliwanag ni Mago na nagkaroon umano ng kalituhan sa mga product certificate dahil nag-repack sila ng face shields para maalis ang mga depektibo.

Kinontra rin ni Mago ang pahayag ng testigo ni Sen. Risa Hontiveros, na nagabing expired face shields ang ibinibigay ng Pharmally sa pamahalaan.

Ayon kay Mago, hindi nila pina-deliver ang mga depektibong face shield.

Maliwanag rin daw na non-medical grade face shields ang requirement sa kanila ng Department of Health.

Wala rin naman umanong masama na nauna ang delivery nila ng face shiled bago nagka-purchase order dahil nga may pandemya.

Hindi aniya maunawaan ni Mago kung bakit siya napagbintangang sinungaling.

Nanggigil naman ang mga senador sa pagbaliktad ni Mago pero hindi umano sila magpapatinag.

Maaari umanong kasuhan ng perjury si Mago.

"Let us remember that Ms. Mago was under oath when she was speaking before the Senate Blue Ribbon Committee hearing. Questions were only directed to her and she, in fact, answered forthrightly," ani Hontiveros sa isang pahayag.

"Kung mayroon mang nagpe-pressure sa kanya, 'yan siguro ay isang napakamakapangyarihang puwersa para lang bawiin ang kanyang mga naunang sinabi sa amin," dagdag ni Hontiveros.

Sabi naman ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Richard Gordon: "Kunwari nagtago siya, natakot siya, nag-worry pa kami sa kanya." 

"Pagkatapos... dinala siya sa House, which is friendly to Pharmally’s interest and they’ve been defending Pharmally," dagdag ni Gordon.

Magugunitang ilang araw hindi nakontak ng mga taga-Senado si Mago kasunod ng kaniyang testimoniya. Lumutang siya noong Biyernes sa Kamara.

Ayon sa Kamara, ito na ang katapusan ng kanilang imbestigasyon at gagawa na sila ng committee report.

Tiniyak naman ng Palasyo na handa pa ring dumalo sa mga imbestigasyon ang Gabinete sa kabila ng sinabi ni Pangulong Duterte na hindi papayagan ang mga ito.

— Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.