Publiko pinag-iingat laban sa sunog ngayong papalapit na ang Pasko

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2020 01:17 PM

MAYNILA - Pinaalalahanan ngayong Linggo ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang publiko na mag-ingat laban sa sunog, lalo't malapit na ang Pasko.

Ilan kasi sa mga karaniwang sanhi ng sunog tuwing papalapit na ang Pasko ay ang mga electrical system at substandard na Christmas lights.

"Sa mga residente natin ngayon, mag-ingat tayo sa sunog at malapit na 'yong Pasko, particularly sa mga electrical system natin. Check nating mabuti para iwas-sunog," ani Fire Senior Inspector Rico Odad.

Binitiwan ni Odad ang pahayag kasunod ng sunog na nangyari sa isang compound sa Barangay Marcelo Green sa Parañaque City nitong madaling araw ng Linggo.

Apektado sa insidente ang isang bahay at katabing motorpool, kung saan nakaparada ang mga saskayan at motorsiklo.

Hindi pa matiyak ang sanhi ng sunog, ani Odad, pero aabot sa kalahating milyong piso ang halaga ng natupok.

Sumiklab din ang sunog sa Guihulngan City, Negros Oriental nitong madaling araw ng Linggo.

Nasunog ang maraming mga tindahan malapit sa palengke at nadamay rin ang ilang bahay.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog pero wala namang naiulat na nasaktan sa pangyayari.

Patuloy rin inaalam ng BFP ang sanhi ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.