Higit 16,000 senior citizens sa QC nabakunahan vs. pneumonia, flu

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2020 02:34 PM

Higit 16,000 senior citizens na ang napabakunahan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City laban sa pulmonya at trangkaso bilang proteksiyon na rin laban sa COVID-19.

Nasa 9,250 senior citizen ang nakatanggap ng pneumococcal shots mula sa Quezon City Health Department habang 7,690 naman ang nabigyan ng flu vaccine mula Enero hanggang Agosto, ayon sa lokal na pamahalaan.

"Ginagawa natin ito para mas maprotektahan ang ating mga lolo at lola sa banta ng COVID-19," ani Mayor Joy Belmonte.

"Naiintindihan naman natin na minsan ay hindi talaga maiiwasan na hindi sila lumabas sa kani-kanilang bahay, lalo na 'yong naghahanapbuhay pa at inaasahan ng kanilang pamilya," dagdag ng alkalde.

Kabilang kasi ang senior citizens sa mga vulnerable o madaling tamaan ng COVID-19, isang respiratory disease dulot ng virus na SARS-CoV-2, na nakahawa na ng higit 319,000 sa buong Pilipinas.

Patuloy umano ang pag-iikot ng health care workers sa Quezon City para magbigay ng bakuna sa mga senior citizen.

Tumanggap din ang bawat senior citizen ng 2 washable face mask, sabi ng lokal na pamahalaan.

Nasa 300,000 seniors din ang naabutan ng tulong pinanisyal sa pamamagitan ng programang Kalingang QC.

Sa pagdiriwang naman ng Elderly Filipino Week ngayong unang linggo ng Oktubre, magdaraos ang lokal na pamahalaan ng mga webinar para turuan ang mga senior ng financial management at pag-cope sa COVID-19 pandemic.

Magkakaroon din ng mga libreng eye screening service para sa seniors, anang lokal na pamahalaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.