Distance learning sa mga pampublikong paaralan simula na sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2020 05:51 PM

Magsisimula na sa Lunes ang klase sa mga pampublikong paaralan, na magpapatupad ng distance learning dahil ipinagbabawal pa rin ang face-to-face classes bunsod ng patuloy na banta ng COVID-19.

Bagaman oras na lang ang binibilang bago mag-umpisa ang klase, wala pa ring gadget na gagamitin sa online class ang ilang estudyante, tulad ng Grade 10 student na si Rhealyn del Rosario.

Sinubukan umano nila itong pag-ipunan pero hindi talaga kinaya ng barya-baryang kinikita ng mga magulang sa pangangalakal.

Ayon kay Loida, ina ni Rhealyn, hindi niya alam kung paano susuportahan ang pag-aaral ng anak.

"Kahit marami akong anak, patatapusin ko sila ng pag-aaral. Ayokong maghirap sila tulad ko," ani Loida.

May gadget man ang ilan, tulad ni Dustine Kim Ragas, pero wala namang access sa internet.

"Mas madali po sana ang pag-aaral kung may internet po kami," ani Ragas.

Higit 24 milyong estudyante ang nag-enroll ngayong taon: aabot sa 22 milyon sa public schools at higit 2 milyon sa private schools.

Tiniyak ngayong Linggo ni Education Undersecretary Diosdado San Antonio na handa ang kanilang ahenisya.

"Handang-handa po, at ito po ay galing sa ulat ng aming regional directors. 'Pag sinabi naming handang-handa, pinaghahandaan din ang contingencies para mabigyan ng tugon yung mga magiging hamon," ani San Antonio.

Kung walang gadget, mayroon naman modules, ayon kay San Antonio.

"Hindi kailangan mag-invest sa gadget para tuloy-tuloy ang pag-aaral ng mga bata. Naihanda na rin ng mga paaralan ang self-learning modules," aniya.

Pero hindi lamang mga estudyante ang maninibago ang setup dahil malaking ajdustment din ang distance learning para sa mga guro.

Bagaman may puwesto na sa bahay para pagtrabahuhan, aminado ang gurong si Hannah Dionela na maninibago siya.

"Kung kami ang tatanungin, teacher, mas gusto namin face-to-face kaya lang dahil may pandemya tayo, delikado talaga 'yon," ani Dionela.

"Napipilitan kami na maglabas talaga sa sarili naming bulsa," dagdag niya.

Para sa grupo ng mga guro, walang silang magagawa kundi gampanan ang sinumpaang tungkulin.

"Hanggang sa kasalukuyan ay kinakaharap natin ang usapin ng kahandaan, usapin ng kaligtasan na masakit man sabihin, napabayaan ng pamahalaan," ani Alliance of Concerned Teachers Secretary General Raymond Basilio.

"Bagaman mahirap talaga, ang mga teacher natin magtitiis, magtitiyaga, gagawin ang lahat ng kaniyang makakaya," sabi naman ni Benjo Basas, chairperson ng Teachers' Dignity Coalition.

Sa ilalim ng bagong porma ng edukasyon, mag-aaral ang mga estudyante mula sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng printed at digital modules, online classes, telebisyon at radyo.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.