Beep cards sa mga bus sa EDSA, di na mandatory sa Lunes

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2020 08:21 PM

Watch more in iWantTFC

Di ma muna pipilitin ang mga commuter na gumamit ng beep card sa EDSA busway bunsod ng mga reklamo ukol sa presyo ng mga card.

Ayon sa Department of Transportation, puwede nang magbayad ng cash sa mga istasyon ng bus at hindi na kailangang gumamit ng beep card.

Pero puwedeng pang magamit ng may mga beep card ang kanilang mga card na may load.

Dual payment system muna ang paiiralin habang nilulutas ang gusot tungkol sa inaalmahang singil sa beep card.

Bago ilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang desisyon, may mangilan-ngilang nakapila nitong umaga ng Linggo para bumili ng beep card.

Isa rito si Abdilla Asnawi, na nagpasyang huwag na lang bumili matapos malamang P180 ang isang beep card.

Ang mga reklamo dito ng mga commuter ang dahilan kung bakit ipinanawagan ng DOTr sa service provider na AF Payments Inc. (AFPI) na gawing libre ang pagbibigay ng beep card sa mga commuter.

Matapos ang pakikipag-negosasyon, nanindigan ang AFPI na hindi nila kakayaning tanggalin ang P80 na charge sa pagbili ng beep card dahil sila naman ang malulugi.

Maghahanap ngayon ng Automatic Fare Collection System provider ang gobyerno, na makakapagbigay ng mas magandang solusyon sa problema. Katunayan, magkakaroon ng pulong kasama ang iba pang AFCS providers sa Martes.

Wala pang pahayag ang DOTr tungkol sa refund ng beep card.

-- Ulat nina Bianca Dava at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.