Suspek sa pagpatay sa babae sa pension house sa Misamis Oriental, tiklo

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 10:44 PM

OPOL, Misamis Oriental - Nahuli na ang suspek sa pagpatay sa isang babae sa loob ng pension house sa Barangay Barra sa bayang ito.

Positibong kinilala ng front desk ang suspek na siyang nakasama ng biktimang si Samirah Marayan, 28, sa pension house.

Inaresto ang suspek Biyernes ng hapon sa pinagtatrabahuhang hardware shop sa Cagayan de Oro.

Nakuhanan ng CCTV ng pension house ang pagcheck-in ng suspek at biktima, Miyerkoles ng gabi. Pero pasado alas-12 ng madaling araw, mag-isang lumabas sa pension house ang suspek.

Tanghali na ng Huwebes nang madiskubre ang bangkay ng biktima na wala nang pang-ibabang saplot at nakatali ang mga kamay at paa.

Inamin naman ng suspek na siya ang kasama ng biktima at iginapos ito matapos umanong humingi ng P5,000 sa kaniya dagdag sa paunang bayad ng P1,500.

Ngunit itinanggi nitong napatay niya ang biktima.

Nakakulong na ngayon sa Opol Municipal Police Station ang suspek habang inihahanda pa ang kasong isasampa laban sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.