PatrolPH

KILALANIN: Mga posibleng maging PNP chief sa pagreretiro ni Albayalde

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 06:10 PM

KILALANIN: Mga posibleng maging PNP chief sa pagreretiro ni Albayalde 1

MAYNILA — Magreretiro na sa Nobyembre si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde, na kasalukuyang pinuputakte ng kontrobersiya ukol sa mga umano'y "ninja cops."

May ilang pangalan ang lumutang na posibleng maging kapalit ni Albayalde sa pinakamataas na posisyon sa PNP.

Dalawa sa kanila ay mga mistah ni Albayalde sa Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala class of 1986.

Ito ay sina PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Archie Gamboa at PNP Chief Directorial Staff Lt. Gen. Camilo Cascolan.

Si Gamboa ang namuno ng PNP National Security Task Force para sa 2019 midterm elections.

Bihasa sa administrative matters at procurement si Gamboa, at kung matalaga ay 10 buwan siyang uupo bilang PNP chief dahil magreretiro na siya sa Setyembre 2020.

Si Cascolan naman ang isa sa mga arkitekto ng kontrobersiyal na "Oplan Double Barrel," na naging flagship program ng PNP sa kampanya kontra ilegal na droga.

Nagsilbi rin si Cascolan bilang hepe ng PNP Directorate for Operations, bago naging hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kapalit ni Albayalde.

Magreretiro si Cascolan sa Nobyembre ng susunod na taon.

Isa pa sa mga matunog na susunod na PNP chief ay si NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, na miyembro ng PMA Hinirang class of 1987.

Kilala si Eleazar sa kaniyang agresibong pamamaraan sa pagsugpo ng krimen sa Metro Manila.

Kagaya ni Albayalde, naging estilo rin ni Eleazar ang pag-iikot at pag-iinspeksiyon kahit gabi para tiyaking laging gising at alerto ang mga pulis sa bawat istasyon.

Naging hepe rin ng Quezon City Police District si Eleazar.

Sakaling mapiling PNP chief, magtatagal siya sa puwesto nang 2 taon at magreretiro sa Nobyembre 2021.

Hindi rin naman isinasantabi ang posibilidad na manggaling sa hanay ng mga 1-star general ang susunod na pinuno ng PNP gaya ni Manila Police District chief Brig. Gen. Vicente Danao Jr. ng PMA Sambisig class of 1991.

Nagsilbing hepe ng Davao City police si Danao mula 2013 hanggang 2016 noong alkalde pa doon si Pangulong Rodrigo Duterte.

Matapos nito, itinalaga siya bilang deputy chief for operations ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Magreretiro si Danao sa PNP sa Agosto 2023.

Bukod kay Danao, sina Gamboa at Cascolan ay parehong dating naitalaga sa Davao region na homebase ng Pangulo.

Tumanggi na silang magbigay ng pahayag nang hingan ng reaksyon.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.