Ilang pumasa sa PMA, nangangamba dahil sa nangyari kay Darwin Dormitorio

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 12:07 AM

Ayon naman sa AFP, walang dapat katakutan ang mga magulang sa pagpasok ng kanilang mga anak sa PMA lalo't may ginagawa nang mga reporma ngayon. Ramiltibayan, Wikimedia Commons/file

CAGAYAN DE ORO CITY - Ilan sa mga pumasa sa entrance exam ng Philippine Military Academy (PMA) ang nangangambang tumuloy matapos ang nangyari sa kadeteng si Darwin Dormitorio.

Inilabas na ng PMA noong Lunes ang resulta ng entrance exam, kung saan nasa 1,629 ang pumasa mula sa 33,000 na sumubok makapasok sa akademya.

Isa si Francis Bagayo, grade 12 student mula Cagayan de Oro, sa mga pumasa sa PMA. Matagal na umano niyang pangarap maging sundalo para makatulong sa pamilya pero nagdadalawang isip na siya ngayong tumuloy sa PMA.

"Medyo nakakuan to kay pagkadungog nako sa balita kay ganahan ko mag PMA gyud after ato nga balita kay murag nag doubts ko nag duha duha nako kay basig maunsa ko didto," aniya.

(Medyo naapektuhan din pagkarinig ko sa balita. Gusto ko sana mag-PMA pero after nu'ng balita may doubts na ako. Nagdadalawang-isip ako baka ano'ng mangyari sa akin du'n.)

Ayon naman sa ama ni Francis na si Ferdinand Bagayo, pabor siya sa pangarap ng anak na maging sundalo pero igagalang niya anuman ang maging desisyon nito.

Ang mag-asawang sundalong sina Lt. Col. Judith Dela Cruz ng 4th Infantry Division at ang asawa nitong si Lt. Col. Roberto Dela Cruz, hindi umano dinanas ang hazing sa officer candidate course ng Armed Forces of the Philippines.

Katulad nila, pursigido ang kanilang panganay na anak na si Robert na maging sundalo, ngunit hindi ito pumasa sa PMA ngayong taon.

Balak naman ni Robert na subukang makapasok sa PMA sa susunod na taon.

Bagama't hindi sang-ayon ang inang si Judith sa gusto ng kanilang anak, susuportahan pa rin nila ito kapag nagpursige ito sa gusto niya.

"Pangarap sad na nila nga pangarap nato sauna karon kung dili nato sila suportahan basin baya muabot ang panahon nga mahayan nato kay nakasayud ta ilang pangarap dili makadaut kanila," aniya.

(Pangarap din nila ang pangarap natin noon. Kung hindi natin sila suportahan baka dumating ang panahon magsisi tayo kasi alam naman natin hindi makasisira sa kanila ang pangarap nila.)

Ayon sa tagapagsalita ng 4th Infantry Division, walang dapat katakutan ang mga magulang sa pagpasok ng kanilang mga anak sa PMA lalo't may ginagawa nang mga reporma ngayon ang AFP sa loob ng akademya.

"Nakita naman natin kung ano 'yung mga positibong hakbang ng ating gobyerno ng Armed Forces of the Philippines para maituwid at hindi na maulit 'yung nangyari kay late Dormitorio so sana sa mga magulang sana suportahan nila ang pangarap at ambisyon ng mga anak nila na maging miyembro ng Armed Forces of the Philippines," paliwanag ni Capt. Regie Go.

Handa umanong kausapin ng mga taga-Division Public Affairs Office ng 4ID ang mga magulang na sasangguni sa kanila ukol sa pagpasok ng kanilang anak sa PMA lalo na't hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon na makapagsilbi sa bayan bilang sundalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.