Guwardiya sa Pampanga, timbog matapos ikalat ang nude photos ng babae

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 12:10 AM

Isang gwardiya ang inaresto matapos niya ikalat ang hubad na larawan ng babaeng kaniyang nakainuman na kalauna'y nakarelasyon niya sa Angeles City, Pampanga.

Ayon sa pulisya, lumapit sa kanila ang biktimang si "Sally" matapos magbanta ang suspek na si "Genesis" na ikalat ang mga maseselang larawan.

“'Pag nagte-text siya sa'kin na makipagkita siya sa'kin, ‘pag hindi ako sumipot, nananakot na siya na sabihin niya sa'kin na, 'Sige may picture ka naman dito, ikalat ko ‘to,'” ani Sally.

Tinotoo ng suspek ang kaniyang mga banta at nakita ng 97 kaibigan at kamag-anak ng biktima ang mga retrato.

Humingi umano ang suspek ng P50,000 sa biktima kapalit ng paghinto nito sa pagpapakalat ng mga nasabing retrato. Dito na ikinasa ng pulisya ang operasyon laban kay Genesis.

“Pagbukas namin, nandu'n din 'yung tao (Genesis). Meron din siyang baril. 'Saka 'yung balisong nandu'n din na pinanakot niya lagi sa biktima natin,” ani Police Capt. Leopoldo Cahipe, imbestigador ng Angeles City Police.

Hindi itinanggi ng suspek ang kaniyang krimen.

"Du'n nga sa lagi siyang nangangako na pupunta siya sa bahay. Kusa siyang magte-text 'Pupunta ko diyan,' tapos di naman pala siya pupunta. Ta's naghihintay ako sa kanya. Aminado naman ako du'n na sa time na 'yun, medyo may mali ako du'n," ani Genesis.

Nahaharap sa kasong robbery with violence at paglabag sa cybercrime law ang suspek. - Ulat ni Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.