Albayalde masama ang loob, nanindigang 'napolitika' siya

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 09:51 PM

MAYNILA — Dismayado si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde sa pagkakadawit niya sa isyu ng "ninja cops" gayong lagpas 1 buwan na lamang ang bibilangin bago siya magretiro.

Sa pagdinig kasi sa Senado, tila na-knockout si Albayalde matapos siyang gisahin ng mga senador ukol sa kontrobersiyal na drug raid sa Mexico, Pampanga na tadtad umano ng iregularidad.

Nangyari ang raid habang hepe si Albayalde ng Pampanga police.

Sabi ni Albayalde, tila wala na raw kahihinatnan kahit anong paliwanag niya dahil nahusgahan na siya.

"I don’t want to argue with our senators, meron na silang decision. We cannot change the minds of some people... Walang cover up dito, kung sinong mananagot, mananagot. I’ve been repeating it over and over again, hindi naman pinapakinggan," sabi ni Albayalde.

Sa hiwalay na panayam nitong Biyernes, inamin ni Albayalde na labis siyang naapektuhan pati na ang kaniyang pamilya.

Wala na umano siyang ganang kumain at hindi makatulog dahil sa pagkadismaya.

Nanghihinayang din daw siya dahil nabahiran na ang mga nagawa niya bilang ama ng PNP.

Hinala pa ng hepe ng PNP, may mga kamay na kumukumpas sa binansagan niyang demolition job.

"Purpose [nito] number 1 ay demolition talaga... It has something to do with our internal politics, and outside of our organization... Baka meron silang gustong i-endorse na chief PNP, that’s one," teorya ni Albayalde.

Samantala, sisimulan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang imbestigasyon kay Albayalde kaugnay ng 2013 Pampanga raid.

"We will look at the allegations against him and do a fair and thorough investigation as much as we can because I think this is what the President wants and also what the public demands," sabi ni DILG undersecretary Jonathan Malaya.

Pero nanindigan si Albayalde na wala siyang balak magbitiw at nasa Pangulo na kung sisibakin siya nito.

—Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.