PatrolPH

ALAMIN: Paano iniimbak, dinidispatsa ang drogang nasasamsam sa drug ops

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 08:01 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Bilyon-bilyong pisong halaga ng droga ang nakukumpiska ng mga awtoridad sa mga drug raid at buy-bust operations.

Sa gitna ng kontrobersiya ng mga ipinupuslit at nire-recycle na droga ng mga tinaguriang "ninja cops," inalam ng ABS-CBN News kung saan napupunta ang mga nasasabat na droga.

PROSESO

Sa anumang anti-drug operation ng Philippine National Police (PNP) o National Bureau of Investigation (NBI), dapat ay laging may koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bago ito isagawa.

Sa standard operating procedure (SOP), isang tauhan ng operating team ang mag-iingat sa nakumpiskang droga o ebidensiya. Seizing o inventory officer ang tawag sa kaniya.

"Siya na maghahawak nun, wala nang iba... Hindi magiging void ang na-recover na items as long as na-maintain 'yung chain of custody... Within 24 hours ipapasa natin 'yan sa crime lab sa PDEA laboratory," sabi ng PDEA agent na si alyas "Ace."

Kapag narekober ang droga sa pamamagitan ng search warrant, buy-bust o warrantless operation, kailangang isagawa ang imbentaryo kung saan nahuli ang suspek o inihain ang warrant.

Kung may banta naman sa area of operation, maaari ring gawin ito sa pinakamalapit na istasyon ng pulis, barangay, o tanggapan ng operating unit.

Kukuhanan ng litrato ang ebidensiya, titimbangin, at mamarkahan.

Isusulat ang impormasyon sa inventory at chain of custody forms o evidence voucher.

Dapat ding may testigo tulad ng opisyal ng barangay, taga-Department of Justice, media, at ang mismong suspek o abogado niya para hindi umano mapagbintangang tinataniman ng droga ang mga suspek.

Mula crime scene o area of operation, dadalhin lahat ang nakuhang droga sa laboratoryo ng PDEA o PNP crime lab para masuri ng mga chemist.

"From the time of receipt we are given 24 hours to prepare our chemistry report... But when we receive human specimens in bulk, we prepare initial chem reports," sabi ni Nieves Barbo, drug forensic chemist ng PDEA.

Pag nakumpirmang droga, diretso na ito sa evidence room ng PDEA para ikandado. Hindi ito gagalawin hangga't walang court order.

Oras na kasuhan ang mga suspek sa korte, kailangang maghain ng motion for destruction of evidence.

Maghi-hearing sa mosyon at dapat mag-inspeksiyon ang judge sa loob ng 72 oras o 3 araw.

Kapag nag-isyu na ng destruction order, kailangang sunugin ng PDEA ang droga sa loob ng 24 hours sa kanilang pasilidad na accredited ng Department of Environment and Natural Resources.

DI NASUSUNOD

Pero kadalasan, hindi ito nasusunod.

"Iyung judges ang dami ng trabaho di nila nako-commit 'yung kanilang sarili to inspect within 72 hours... Kami naman sa 24 hours, hindi namin [magawa], una 'yung availability ng incinerator, pangalawa it would be expensive," sabi ni PDEA chief Dir. Gen. Aaron Aquino.

Sa tala ng PDEA, umabot na sa halos 6 na toneladang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P25 bilyon ang sinunog mula noong Setyembre 2017 hanggang Setyembre 2019.

May 3 tonelada pa ng ilegal na droga na may halagang P22 bilyon ang nasa kustodiya ng PDEA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.