3 sugatan sa karambola sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 08:11 PM | Updated as of Oct 04 2019 08:43 PM

TUGUEGARAO, Cagayan - Tatlong katao ang sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Barangay Centro 2, Tuguegarao City, Biyernes ng umaga.

Sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng isang pick-up ang Arellano Street nang tangkain nitong mag-overtake, pero nasagi ang likod nang sinusundang tricycle.

Sa lakas nang pagkakabangga sa tricycle ay naitulak ito papunta sa isang AUV na nakaparada sa kaliwang bahagi ng kalsada.

Tuluyan namang nawalan ng kontrol ang pick-up at sinalpok ang isang kotse na nasa kanang bahagi ng kalsada.

Sa video na kuha ni Daryl Jake, makikita na nayupi ang kotse na sumalpok pa sa isang poste ng kuryente.

Damay din sa karambola ang dalawa pang tricycle at kotse.

Naisugod sa ospital ang tatlong sugatan sa aksidente. Sa kuha ng CCTV camera, kita ang pagtilapon sa kalsada ng dalawang biktima na noon ay nakasakay sa likod ng tricycle na unang nabangga ng pick up.

Arestado naman ang driver ng pick-up na retiradong empleyado ng Department of Public Works and Highways. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.