2 heneral dawit sa drug trade: Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2019 07:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang pagbisita sa Russia na dalawang heneral ang may kaugnayan sa droga, kasabay ng umaandar na imbestigasyon laban sa mga ninja cops.

Sinabi ito ni Duterte nang tanungin siya tungkol sa foreign policy ng kaniyang administrasyon, kung saan sumentro ang Pangulo sa problema ng droga sa bansa.

There are about again two generals who are still playing with drugs," aniya sa plenaryo ng Valdai Forum sa Sochi kasama ang mga lider ng Russia, Jordan, Kazakhstan, at Azerbaijan.

Walang detalye na ibinigay si Duterte kung sino ang mga ito at kung bahagi ba ng pulisya o Armed Forces of the Philippines ang mga sangkot na opisyal.

Sa kaniyang talumpati, kinastigo rin ni Duterte ang umano’y panghihimasok ng ilang mga bansa sa soberanya ng Pilipinas sa kanilang pagbabatikos sa kaniyang kampanya kontra droga.

“They see what they want to see to justify the preconceived notions and not trying to understand what is truly happening in my country. Is this how friends treat each other,” ani Duterte.

Ayon pa kay Duterte, may 9 pang heneral na may kaugnayan sa
 illegal drug trade nang maluklok siya sa puwesto noong 2016.

"I said I’m not only fighting corruption from the inside of government. I was fighting corrupt -- corruption and the trafficking of drugs even in my government. And that is why I had to do something very fast,” ani Duterte.

Sa haba ng litanya ni Duterte, napilitan ang emcee na putulin ang kaniyang sagot.

Samantala, nakapag-usap sina Duterte at Russia president Vladimir Putin kung saan sinabi ni Putin na handa ang Russia na makipag-partner sa Pilipinas sa pagsugpo ng terorismo.

Hindi nangyari sa pagpupulong ang inaasahang pirmahan ng mga bilateral agreement sa pagitan ng Russia at Pilipinas. Wala pang paliwanag ang Malacañang tungkol dito.

Nakatakdang mag-alay ng bulaklak si Duterte sa Tomb of Unknown Soldier sa Moscow.

Bibisita siya sa Kremlin at dadalo sa Business Forum ng Department of Trade and Industry.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.