Mga estudyante, unibersidad umangal sa pagkakadawit sa 'Red October'

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2018 09:09 PM | Updated as of Oct 04 2018 10:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umalma ang mga estudyante at mga eskuwelahang idinadawit ng militar sa "pakikipagsabwatan" umano sa Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA).

Ito'y matapos maglabas ang Armed Forces of the Philippines ng listahan ng umano'y mga paaralan sa Maynila na iniimpluwensiyahan ng mga komunista upang tuligsain ang administrasyong Duterte.

Ayon sa mga estudyante, hindi nila ikinakaila na gusto nilang matanggal sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte pero pawang kasinungalingan umano ang kanila raw ugnayan sa mga komunista.

"Hindi na kailangan talaga ng destabilization plot para kay Duterte dahil galit na galit na talaga ang sambayanang Pilipino," ani Jordan Jayme, isang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).

"Pareho po ang galawan ni Duterte kay (dating Pangulong Ferdinand) Marcos. Parehong gumagawa ng mga desperadong taktika upang i-justify ang paglabag sa ating mga karapatang pantao," giit naman ng University of the Philippines (UP) student na si Ice Punzalan. 

Galit ang mga estudyante dahil sa impormasyong ibinulgar ng militar na 18 kolehiyo at unibersidad umano ang ginagamit ng CPP-NPA para makapag-recruit ng miyembro at patalsikin sa puwesto si Duterte.
    
Isinama rin sa naunang listahan ang isang "Caloocan City College" pero natuklasang wala namang ganoong eskuwelahan.

"[W]e are very worried na 'yung sa nakuha naming dokumento, may mga listing po 'yung ano nandoon sa dokumento ng CPP-NPA, and then nakita namin mga university na 'yun," paliwanag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Carlito Galvez.

Pati ang pagpapalabas​ ng mga pelikulang may temang martial law, pinaghihinalaan din ng militar na may kaugnayan sa sinasabing "Red October" ouster plot.

"I have the text ng isang magulang na sabi nila 'sir, pakitingnan po ito para silang bine-brainwash' [dahil] daw du'n sa pelikula," ani Galvez. 

Pero ayon sa mga estudyante, tila "desperado" na ang militar sa kanilang mga teorya. 

"We feel the desperation of the Duterte regime, napakalabo naman na ang film showing ay ito ang bridge para makapag-recruit ang CPP-NPA," pagtataka ni Kyle Atienza, isang estudyante ng Far Eastern University. 

Pati mga administrador ng unibersidad, pumalag sa pahayag ng AFP. 

"Mga estudyante namin, they care for people and they will speak out if they see injustice," ani UP Diliman chancellor Michael Tan. 

(May malasakit sa tao ang aming mga estudyante. Magsasalita sila kung may makita silang kawalan ng katarungan.)

Pati Commission on Human Rights (CHR) naaalarma sa umano'y "red tagging" na ginagawa ng kasundaluhan dahil maaari raw itong maging daan para malabag ang karapatan ng mga kabataan. 

"This blanket act of red-tagging endangers students and the youth and it may give the AFP a license to arbitrarily infringe the freedom of expression, the right to petition government, as well as to assembly," ani CHR spokesperson Atty. Jacqueline De Guia.

(Itong pangkalahatang red-tagging ay naglalagay sa panganib sa mga estudyante at kabataan at maaaring magbigay ng lisensiya sa AFP na basta-basta na lang manghimasok sa karapatang magpahayag, maghinaing sa pamahalaan, at magtipon.)

Kung naninindigan ang militar sa impormasyon nila, naninindigan din ang mga eskuwelahan lalo na ang mga estudyante na wala silang kaugnayan sa NPA. 

Sinabi naman ng AFP na bukas sila makipagdayalogo sa mga paaralan upang mabigyang-linaw ang parehong kampo.

—Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.