Patay ang limang lalaki matapos silang tambangan sa Cebu City nitong Huwebes ng umaga.
Nakahandusay na ang tatlong bangkay sa kalye sa Sitio Kan-Irag, Barangay Malubog habang may dalawa pang katawan na nakita sa loob ng isang van na tadtad rin ng bala.
Katabi ng van ang dalawang habal-habal na may mga tama rin.
Pero nagulantang ang mga awtoridad nang biglang lumabas sa damuhang bahagi ang isang takot na takot na babaeng walang tsinelas.
Lumapit siya sa mga tao at nagpakilalang survivor umano sa pananambang.
Kuwento ni alyas "Maymay," sumakay sila ng habal-habal ng kaniyang kaibigan para maghatid umano ng droga sa isang apartment sa Banawa, Cebu City.
Pero nang dumating sa apartment, mga naka-unipormeng pulis na raw ang kaniyang nakita.
Piniringan umano sila ng kaibigan pati ang kanilang mga habal-habal driver at dinala sa isang lugar lulan ng isang van.
Matapos ang ilang minuto, nakarinig na lang umano ng putok si Maymay.
Kuwento ni Maymay, biglang pinaulanan ng bala ang van at ang mga kasabay nilang habal-habal.
Nang makitang may papalapit, nagpanggap siyang patay kaya't iniwan na siya nito sa van.
Nang maramdamang wala nang tao, tumiyempo si Maymay nang pagtakbo at dumiretso na sa damuhan para magtago.
Hawak na ngayon ng Women and Children's Protection Desk ang babae.
Nakilala naman ang isa sa mga napatay na si Christopher Tangag, isang call center agent at isa sa mga habal-habal driver.
Todo-tanggi ang Philippine National Police na may kinalaman sila sa pagpatay.
"How can we [do that] we were busy with our operations? Mayroon kaming one-time, big-time (operations). It’s not true," depensa ni Chief Superintendent Debold Sinas, direktor ng Police Regional Office-7.
Inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng iba pang namatay.
—Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, krimen, Cebu, ambush, Cebu City, drugs, war on drugs, habal-habal, pananambang, droga