Pasahe sa taxi, papatak ng P13.50 kada kilometrong biyahe

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 10:23 PM

Inilabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bagong sistema sa pasahe sa taxi. 

Ipapako na sa P40 ang flagdown rate ng taxi sa Metro Manila at ibang bahagi ng bansa, maliban sa Cordillera Administrative Region na nasa P35 ang singil.

Papatak naman ang metro ng P13.50 kada kilometro ng biyahe at P2 kada minuto ng biyahe simula sa pinanggalingan papunta sa destinasyon.

Halimbawa, kung 10 kilometro ang layo ng biyahe na aabutin ng 45 minuto, P265 ang lalabas na pamasahe.

Sa ngayon, naka-temporary lang ang P40 na flagdown sa unang 500 metro, P3.50 para sa susunod na kada 300 metro, at may waiting time pa na P3.50 kada dalawang minuto.

Wala naman anilang surge ang mga taxi hindi tulad ng mga transport network company.

Pero para sa ilang pasahero ng taxi, dapat ayusin muna ang serbisyo ng mga taxi dahil baka maghanap na sila ng alternatibong masasakyan bunsod ng taas ng pamasahe.

Aminado ang LTFRB, hindi magiging mabilis ang pagbabagong hinihingi ng mga pasahero sa hanay ng mga taxi.

Kasama naman sa pagsasaayos ng taxi ang maisailalim ang mga driver sa training at maturuan ng disiplina sa kalsada.

Bukod sa magkakaroon na ng sariling app, isinusulong na rin ng LTFRB na magkaroon ng dash cam at CCTV ang mga taxi. 

Kapag nai-publish na ang pagtaas ng pasahe sa mga pahayagan, puwede nang magpa-calibrate ang mga taxi ng kanilang metro pero hindi na papayagang pumasada ang mga unit na 13 taon pataas ang tanda.

 -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.