Deputy Ombudsman, pinasisibak dahil sa umano'y iregularidad sa pag-iimbestiga kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 03:33 AM

Hinihiling ng ilang grupo ang tuluyang pagpapatalsik sa puwesto kay Deputy Ombudsman Melchor Carandang dahil sa umano'y iregularidad sa pag-iimbestiga sa yaman ni Pangulong Duterte at kaniyang pamilya.

Dalawang magkahiwalay na reklamong administratibo ang sabay na inihain sa Malacañang laban kay Carandang.

Parehong hiniling sa reklamo ang pagpapatalsik kay Carandang dahil sa umano'y korupsiyon at betrayal of public trust.

Ito'y matapos ang umano'y malisyosong pagsiwalat ni Carandang sa media kaugnay sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) report sa mga bank transaction ng Pangulo na aabot umano ng higit P1 bilyon. 

Dawit din sa reklamo sina Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman at ang mga miyembro ng kanilang investigation team.

Pero giit ng isa sa mga complainant, walang kinalaman sa reklamo ang Pangulo.

"Obvious na obvious na itong si Carandang, appointed ito ng mga 'yellow', ang behind talaga nito si Carpio Morales," ani Atty. Jacinto Paras, isa sa mga complainant.

Inihain ang reklamo sa gitna ng mga sunod-sunod na banat ng Pangulo sa Ombudsman at pagtanggi ni Duterte na sumailalim sa isinasagawang imbestigasyon.

Nababahala naman dito si Professor Tony La Viña, dating dekano ng Ateneo School of Government.

"Your words actually have a chilling effect... Because that was tantamount to saying, 'I am above the law. I'm above your jurisdiction'," ani La Viña.

Pero pinuna rin ni La Viña ang pagpapa-interview ni Carandang sa media.

"You probably should not agree to an ambush interview at all...Until you're ready to come out with everything," sabi ni La Viña.
    
Sinabi rin ni La Viña na wala sa kapangyarihan ng Pangulo na bumuo ng isang komisyon na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa Ombudsman.

Itinanggi naman ng Palasyo na ang planong pagtatayo ng komisyon ay direktang tugon ng Pangulo sa isinasagawang imbestigasyon laban sa kaniya. 

Sadya lang umanong mayroong mga tiwaling opisyal sa tanggapan ng Ombudsman na umano'y nagpapagamit sa malinaw na kampanya para siraan ang Pangulo.

Samantala, isang resolusyon naman ang umiikot ngayon sa Kamara na nagpapahayag ng suporta sa Office of the Ombudsman.

"With the impending destruction of democratic institutions even as duterte already has full control of the congress, the military and police establishments, and the bureaucracy, an authoritarian rule can be a harsh eventuality," ani Albay Representative Edcel Lagman.

-- Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.