TFC News

Daan-daang Pinoy nabiktima ng pamemeke sa Italya, humihingi ng tulong

Mye Mulingtapang | ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Oct 03 2023 11:04 PM | Updated as of Oct 05 2023 07:18 AM

MILAN- Nabulilyaso ang pangarap ng daan-daang Pilipino na makarating at makapagtrabaho sa Italya matapos madiskubre na peke pala ang mga dokumento na natanggap nila mula diumano sa Alpha Assistenza SRL, isang intermediation company sa Milan na pinangangasiwaan ni Krizelle Diane Respicio at Frederick Daturo.

Kapalit ng €2,500 o humigit kumulang ₱150,000 ang “nulla osta” o ang dokumento na inilalabas ng Italian immigration authorities na nagbibigay pahintulot sa mga dayuhan na mag-apply ng work visa sa Italian Embassy sa Pilipinas sa pamamagitan ng decreto flussi.

1

Ang decreto flussi ay ang programa ng pamahalaan ng Italya taon-taon na nagbibigay ng pagkakataon sa mga dayuhan na makapasok sa bansa para sa mga layuning pang-empleyo, pagtatayo ng sariling negosyo, at seasonal work.

Nakikitang oportunidad ito ng maraming recruiter na makapambiktima dahil na rin sa mga kababayan na handang magbayad ng malaking halaga para makapangibang bansa.

Isa si Lucy Garcia na nagsumite ng aplikasyon para sa 31 kamag-anak sa Alpha Assistenza. Umabot sa €67,000 o humigit kumulang apat na milyong piso ang nailabas na pera ni Garcia.

2

Lumabas na peke ang mga “nulla osta” nang magsadya ang grupo ni Garcia sa Italian prefecture upang ipasuri ang mga dokumento, kasunod ng pag-reject ng Italian Embassy sa Maynila sa visa application ng kaniyang mga kaanak.

“Sinabi ng pulis na doon pa lang, sa itsura pa lang ng papel at pangalan ng prefettura, doon pa lang ay hundred percent na fake. Yung "nulla osta'"ni isa sa mga dala naming papel ni isa walang naka-record doon. Lahat na yun ay fake,” saad ni Garcia.

3

May ibang tao rin diumano na nakipagtransaksyon sa mga biktima. Ang ibang itinuturong mga ahente ng Alpha Assistenza ang nangolekta ng pera sa mga aplikante sa Italya at Pilipinas.

Ang hangad naman ni Maria Theresa Mendoza na madala ang mga kapamilya sa Italya ay nauwi sa patong-patong na utang.

“Bale yung pera karamihan ay ibinigay namin ay ang tumanggap ay iyong recruiter tapos ibinibigay niya roon sa opisina. Cash lahat. Meron kami lahat [resibo] pero siya lahat ang pumirma, yung recruiter kasi ayaw daw pirmahan doon sa opisina yung mismong nagpapalakad,” kuwento ni Mendoza.

Sina Garcia at Mendoza ay dalawa lamang sa mga biktima na dumulog sa Konsulado para maibalik ang kanilang pera at mapanagot ang may sala.

Ayon sa Philippine Consulate General sa Milan nasa mahigit isang daan at limampung mga pangalan ng mga bikitima sa Italya at Pilpinas kasama ang iba-ibang ebidensya ang kanilang nakalap.

Nakapanayam naman ng ABS-CBN News noong Miyerkules, Setyembre 27, si Respicio na mariing itinanggi na may kinalaman ang kanyang kumpanya sa mga kaliwa’t kanang reklamo ng pamemeke at pagtanggap umano ng napakalaking halaga kapalit ng mabilisang pag-aayos ng mga dokumento ng mga Pinoy.

“We vehemently and strongly deny that there are illegal activities regarding Alpha Assistenza SRL. Hindi po ako nagtatago. It’s just that I don’t want to say things that will complicate or that will be a problem. Baka meron akong masabi na hindi okay. This is huge syempre dinedepensahan din po namin ang company. Dinedepensahan din po namin ang mga sarili namin,” sabi ni Respicio.

Handa umano si Respicio na harapin at sagutin ang mga paratang sa kanya. Pinabulaanan din niya ang mga akusasyon na nasa mahigit apat na daang katao ang nakipagtransaksyon sa kanyang kumpanya at mga empleyado.

5

“We are facing them. Hindi naman tinatakasan. I just want to clarify that it is not four hundred. If i-che-check po natin, I know hindi po umaabot ng four hundred. Kaya yung mga accusations nila, I was wondering why is it four hundred naging five hundred, seventy-three million pesos,” pahayag ni Respicio.

Dagdag pa ni Respicio kumikilos na rin siya para mabigyan ng hustisya ang mga nabiktima.

“We are availing legal remedies to seek justice for our applicants and to bring the culprits to answer for their unlawful acts,” ani Respicio.

Base naman sa inilabas na statement ng Alpha Assistenza sa kanilang social media page ang kanyang liason officer na si Maria Socorro Velasquez ang naging katransaksyon ng halos 300 aplikante sa Pilipinas, na hindi nabigyan ng travel visa dahil sa mga palsipikadong subordinate work authorization o "nulla osta".

Sinubukan naman ng ABS-CBN News na kunin ang panig ni Velasquez ngunit tumanggi muna itong magbigay ng impormasyon habang patuloy ang imbestigasyon ng DOJ.

Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News kay Consul General Elmer Cato sinabi nito na simula Hulyo ay nakikipag-ugayan na ang konsulado sa mga biktima at hanggang sa kasalukuyan ay gumagawa sila ng aksyon sa tulong na rin ng mga ahensya sa Pilipinas upang imbestigahan ang malawakang panloloko sa mga kababayan sa Italya.

“Hindi po namin ma-confirm yung 400. More or less 150 pa lang yung nagpunta sa amin. Unfortunately, may mga kababayan tayo na hind pumunta sa amin kaya hindi namin madagdag yung information,” pahayag ni Cato.

Ayon kay Cato hindi lamang iisang tao at iisang ahensiya ang kanilang iniimbestigahan sa pakikipagtulungan sa Department of Migrant Workers at Migrant Workers Office sa Milan kaugnay ng mga palsipikadong dokumento at pangakong trabaho para sa mga Pinoy.

6

“Nade-defraud yung ating mga kababayan from 2,000 to 3,000 Euros for jobs that don’t actually exist here in Italy. Yung trabaho po namin diyan is to make sure that we get to respond to the request for assistance of our nationals and we did as we always do,” pahayag ni Cato.

“We have to go through a process and it’s not a quick process. We are in the investigation fact-finding stage right now but we are already in an advanced stage so we would know at a certain time maghihintay pa ba tayo, do we have strong evidence to prosecute this case through lawyers here or in the Philippines, through NBI and the others. Hindi po tayo ang magfafile diyan ung ibang ahensiya natin sa Pilipinas ang gagalaw diyan,” dagdag pa ni Cato.

Inihayag din ni Cato na kailangang matigil na ang pananamantala at panloloko ng ilang mga Pilipino sa mga kababayan.

“Hindi pwede yung ganito na kababayan taking advantage of other kababayan asking them to pay exorbitant amounts. Inutang lang nila yan, kailangan nilang magbenta ng property sa Pilipinas para mapapunta rito yung mga kamag-anak,” sabi ni Cato.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Italya, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.