PatrolPH

3 sugatan sa pag-araro ng trak sa bahay sa Quezon City

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2022 06:40 PM


Sugatan ang mag-iina na natutulog sa kanilang bahay sa gilid ng kalsada sa Barangay Batasan, Quezon City matapos bumangga sa bahay ang isang trak bandang alas-11 Lunes ng umaga.

Sa paunang imbestigasyon ng Quezon City Traffic Sector 5, nawalan umano ng kontrol sa preno ang truck driver habang binabaybay niya ang Batasan Road patungong San Mateo, Rizal.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang pagewang-gewang ang takbo nito. Iniwasan umano ng truck driver ang patawid na mag-iina, pero napunta pa rin ang truck sa kabilang linya kung saan sumalpok ito sa jeep at dumiretso sa isang bahay kung saan may natutulog ding mag-iina.

Agad namang pina-hold ng QC Traffic Sector 5 ang driver ng truck at hinihintay pa kung sino ang magsasampa ng reklamo laban sa kanya. 

"Nung mapunta siya sa opposite side doon niya nasalubong 'yung jeep. Nagkaroon ng collision tapos napunta siya sa structure na bahay," ayon kay Police Capt. Oliver Dela Cruz ng Quezon City Traffic Sector 5.

Sa ngayon, nagpapagaling naman ang mag-iina na nagtamo ng mga galos sa katawan.

Nagpayo naman ang Traffic Police sa lahat ng motorista na palaging i-check ang preno bago umalis ng bahay.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.