PatrolPH

Halalan 2022: Mga naghain ng kandidatura, Oktubre 3

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2021 06:35 PM

Watch more News on iWantTFC

Naging matumal ngayong Linggo ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa mga matataas na posisyon sa 2022 halalan.

Sa katunayan, walang nag-file ng COC para sa vice president.

Sa pagkasenador naman, kabilang sa mga naghain sina dating Sen. Jinggoy Estrada at Samira Gutoc, na pawang hindi pinalad sa kani-kanilang pagtakbo noong halalan 2019.

Naghain si Estrada ng COC sa ilalim ng Pwersa ng Masang Pilipino, sa kabila ng nakabinbin pa ring kasong pandarambong kaugnay ng pork barrel scam, kung saan siya nakapiyansa.

Iginiit ni Estrada na maganda naman ang kaniyang track record bilang mambabatas.

Muli ring makakaharap ni Estrada ang kapatid na si JV Ejercito, na naghain ng COC noong Sabado sa pagkasenador sa ilalim ng pangalang JV Estrada. 

Naghain naman si Gutoc sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.

Sa pagkapangulo, isang nagngangalang "Tiburcio Marcos" lang ang naghain ng COC sa pamamagitan ng kinatawan.

Ilang party-list lang din ang naghain ng kandidatura, kabilang ang nakaupo nang Abono Party-list.

Sa Lunes, inaasahang maghahain naman ng kaniayng COC sa pagkapangulo si Domagoso at running-mate na si Dr. Willie Ong.

— Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.