Patay ang isang retiradong opisyal ng city hall ng Biñan, Laguna matapos umanong barilin ng hindi pa nakikilalang salarin noong tanghali ng Sabado.
Kinilala ni Lt. Col. Giovanni Martinez, hepe ng Biñan police, ang biktima bilang si Virgilio Dimaranan, dating head ng city accounting office ng Biñan.
Ayon kay Martinez, financier at leader umano ng isang crime group sa lungsod ang biktima.
Itinakbo pa umano ng rescue team ang biktima sa Ospital ng Biñan pero binawian din ito ng buhay makalipas ang ilang minuto.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Nangyari ang insidente sa harap ng multi-purpose hall ng South City Homes sa Barangay Santo Tomas. Patungo raw sana sa sasakyan ang biktima nang lapitan siya ng salarin.
Nakatakas ang salarin sakay ng motorsiklo.
Katatapos lang umanong dumalo sa meeting ng biktima kasama ang mga opisyal ng Biñan at ilang lokal na kandidato nang mangyari ang krimen.
Tinitingnan kung may kaugnayan ang krimen sa pagpatay sa isa pang opisyal ng Biñan noong Oktubre ng nakaraang taon.
— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.