PatrolPH

1 taong gulang patay sa sunog sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2021 11:32 AM

Patay ang isang bata sa sunog sa Barangay Sun Valley, Parañaque City noong Oktubre 2, 2021. Retrato mula sa Bureau of Fire Protection-Parañaque
Patay ang isang bata sa sunog sa Barangay Sun Valley, Parañaque City noong Oktubre 2, 2021. Retrato mula sa Bureau of Fire Protection-Parañaque

MAYNILA — Patay ang isang bata sa sunog na sumiklab sa residential area sa Barangay Sun Valley, Parañaque City, hapon ng Sabado.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), hindi na nakitang buhay ang 1 taong gulang na biktima.

Inaalam na umano ng mga imbestigador kung paano nasawi ang bata at nasaan ang mga magulang nito nang magkaroon ng sunog.

Halos 100 tao ang nawalan ng bahay sa sunog na umabot ng unang alarma. Nasa 13 na bahay ang nadamay sa sunog, karamiha'y gawa sa kahoy o light materials kaya mabilis kumalat ang apoy.

Ayon sa BFP, nag-umpisa ang sunog sa ikalawang palapag ng isang bahay pero hindi pa matukoy kung paano ito nagsimula.

Nasa P100,000 ang inisyal na halaga ng ari-ariang natupok sa sunog.

Ayon sa Parañaque Health Management Service, nagbigay sila ng paunang serbisyo medikal sa mga apektadong residente, na inilipat muna sa mga modular tent at sa isang chapel sa lugar. 

Ayon naman kay barangay chairperson Chaky Cortez, namahagi na sila ng grocery at tulong pinansiyal sa mga biktima.

— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.