Quiapo Church bukas sa ibang suhestiyon sa posibleng pagpapaliban ng Traslacion

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2020 04:48 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Bukas ang Quiapo Church sa anumang suhestiyon na maaaring ipalit sa tradisyunal na traslacion Poon ng Itim na Nazareno na dinadaluhan ng milyon-milyong deboto.

Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Minor Basilica ng Poong Nazareno sa Quiapo na tanggap nila ang anumang magiging desisyon ng lokal na pamahalaan at ng Inter-Agency Task Force.

“Siyempre iyong mga hamon kailangan makaisip kami ng ibang pamamaraan ng pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno,” sabi ni Badong sa panayam sa TeleRadyo Sabado ng tanghali.

Nauna nang humingi ng pag-unawa at paumanhin si Manila Mayor Isko Moreno sa mga deboto ng Poon ng Itim na Nazareno dahil posibleng walang isagawang Traslacion sa mga susunod na taon hangga't may pandemya. 

Ayon sa alkalde, hangga't wala pang nagagawang bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19), kailangan na ipagpaliban muna ang naturang tradisyon. 

Sabi ni Badong, magpapa-schedule sila ng pulong sa city hall at maging sa IATF para ilatag ang mga naisip nilang ibang paraan na pwedeng imungkahi tulad ng dagdag misa.

“Ikakalat namin iyong misa sa palagid kasi ang iniiswasan natin na iyong dumagsa iyong libo-libo, milyon-milyong deboto dito sa Quiapo, mahihirapan naman din na ma-accommodate with the protocol na social distancing,” paliwanag niya.