MAYNILA - Kahit pa man niluwagan pa ang mga kapasidad sa mga salon, problemado pa rin ang ilang may-ari ng salon sa pagbangon ngayong may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon sa may-ari ng salon na si Gio Medina, medyo matumal na ang dagsa ng tao ng kanilang salon ngayon kumpara noong Hunyo, nang buksan sa general community quarantine ang Metro Manila.
"Sa clients kasi imbes na nagiging practical, na paganda nang paganda, pagupit nang pagupit, wala namang kita ang salon sa pagpapagupit kundi sa pagpapakulay eh, brazilian or rebonding. 'Yun yung mga nawala siguro dahil sa pandemic. Prangkahan na, uunahin na natin ang pagkain kaysa pagpapaganda, di ba?" ani Medina.
Aniya, kahit madagdagan ang kanilang kliyente ay break-even lang ang kanilang kinikita dahil may dagdag-gastos pa sa protective gear na gamit nila.
Hindi rin kasi sila nagtaas-presyo sa mga serbisyo.
Maaalalang itinaas sa 75 porsiyento ang kapasidad ng mga salon, at iba pang grooming establishments, batay sa memorandum circular ng Department of Trade and Industry.
Nasa 100 porsiyento na rin ang operasyon ng non-leisure stores gaya ng mga hardware store, book store, maging ang mga repair shop.
Puwede na ring mag-operate ng 24 hours ang ilang kainan depende sa panuntunan ng lokal na pamahalaan.
Pero paalala ng DTI, magsuot pa rin ng face mask, face shield, at sumunod sa mga minimum health standards.
— Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update