PatrolPH

Nasa 400,000 private school students lumipat sa public schools ngayong taon: DepEd

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2020 03:40 PM

MAYNILA — Tinatayang 400,000 hanggang 450,000 estudyante mula sa mga pribadong eskuwelahan ang lumipat sa mga pampublikong paaralan ngayong taon sa gitna ng krisis sa ekonomiya bunsod ng COVID-19 pandemic, ayon sa opisyal ng Department of Education. 

Sa public briefing sa government television Sabado, sinabi ni Education Undersecretary Tonisito Umali na nasa 400,000 hanggang 450,000 ang lumipat sa mga public school. 

Kabilang sila sa 22.5 milyon na nakapag-enroll na sa mga pampublikong eskuwelahan bago ang pagbubukas ng klase sa Lunes. 

Samantala, kakaunti naman ang nag-enroll sa mga pribadong eskwelahan na nasa 2.16 million, ayon kay Umali. 

"Combined, we already have 24.72 million public and private school enrollees. And that's like 89 percent of the numbers that we had for school year 2019 to 2020, which is more or less 27.7 million," ani Umali. 

"Halos andu'n na tayo. Hahanapin itong mga natitirang mga bata na hindi pa nagpapa-enroll para mapaliwanagan sila, mabigyan ng opsyon kung papano ang edukasyon ay maari pa ring magpatuloy,"dagdag ng opisyal. 

Inaasahan ng DepEd na tataas pa ang datos dahil sa pagdagdag ng bilang ng mga late enrollees, bukod pa sa mga pribadong eskuwelahan na magsusumite pa ng rekord.

Nakatakdang magbukas ang klase sa Lunes, Oktubre 5, kung saan distance learning sa pamamagitan ng online, television, radio, at printed modules ang gagamitin sa pagtuturo dahil bawal pa rin ang face-to-face classes sa patuloy na banta ng COVID-19. 

— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.