Mga turista, sasalubungin ng malinis, tahimik na Boracay

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2020 10:34 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Tiyak na makapagre-relax ang mga turistang bibisita ng Boracay Island, dahil bukod sa malinis na tubig, mas tahimik ito ngayon.

“Ang Boracay nakapag-relax ng how many months at napakalinis ng dagat natin, hindi masyadong maingay,” pahayag ni Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista sa Teleradyo.

Umabot lamang sa 35 mga turista ang bumisita sa unang araw ng muling pagbubukas ng isla sa mga turista mula sa buong bansa nitong Oktubre 1. Nauna nang limitado lamang sa mga bisita mula Western Visayas ang pinayagang pumasok sa isla dahil sa pandemya.

“Ang mga bisita nag take advantage na pumunta sa Boracay na hindi masyadong magulo. Noon, ang daming tao saka kakaunti lang halos ang activities. At the same time, 'yung mga discount na ibinibigay ng mga hotels at saka resort 'yun ang magandang experience nila,” sabi ni Bautista.
 
Papayagan lamang ang mga hotel sa isla na makapag-operate ng 50 percent capacity. Pero umaabot umano sa 75 percent discount ang ibinibigay ng ilang mga hotel sa mga turista.

“Ang Boracay alam natin talaga na enchanted island ang isla so once na nakapunta ka na dito talgang babalik-balik ka. Mag-eenjoy ka talaga, makaka-relax ka kasi walang disturbance ngayon,” sabi niya.

Kailangan munang magpakita ng negatibong COVID-19 result ang bawat turista mula sa test na ginawa sa loob ng 48 hanggang 72 hours bago ang kanilang biyahe.
 
Ayon kay Bautista, nakapagtala sila ng 47 na turista sa ikawalang araw ng pagbubukas.

“Sa figure nagi-increase siya so baka tuloy-tuloy na yan, baka mayroon pa ring pumasok,” sabi niya.