Mga ilegal na droga nasabat sa Malabon, Taguig

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2020 10:17 PM

Walo ang arestado sa magkakasunod na buy-bust operation na isinagawa sa Malabon at Taguig nitong Sabado.

Armado ng search warrant, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng PDEA-NCR at Malabon Police Sub-station-7 ang #86 Women’s Club sa Hulong Duhat Market alas-9 ng umaga. 

Ayon kay Director Adrian Alvariño ng PDEA NCR, nasabat sa operasyon ang nasa 11 gramo ng hinihinalang shabu at mga paraphernalia. 

Labintatlong gramo naman ng hinihinalang shabu at mga paraphernalia ang nakuha sa mga suspek.

Kilala umano ang mga nahuli na mga tulak ng ilegal na droga sa kanilang barangay. 

Sa Taguig naman, timbog sa buy-bust operation ng PDEA Special Enforcement Unit at Taguig PNP ang isang lalaki sa kanilang lugar sa Samaba Compound, Barangay New Lower Bicutan.

Kumpiskado sa kaniya ang 500 gramo ng hinihinalang shabu, P500 at cellphone. 

Nabawi rin ang boodle money na ginamit sa buy-bust operation. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.